LUNGSOD NG BALANGA — Apat na bata ang kabilang sa 17 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na umakyat na ang kabuuang bilang sa 390, iniulat ngayong Biyernes ni Gov. Albert Garcia.
Sinabi ng governor na ayon sa provincial health office, ang mga bata ay kabilang sa walong nahawa sa mga dumalo ng isang religious gathering sa isang hotel sa lungsod na ito.
Isang 3-anyos na babae, 6-anyos na lalaki, 7-anyos na babae, at 9-anyos na lalaki na mula sa Abucay lahat ang mga bata.
Batay sa contact tracing, ang mga bata at apat na iba pang kumpirmadong kaso ay nagkaroon ng close contact sa naunang mga nagpositibo sa Covid-19 na pawang dumalo sa nabanggit na worship service, sabi ni Garcia.
Ang apat na iba pang kumpirmadong kaso na nahawa sa mga dumalo sa pang-relihiyong pagtitipon ay isang 29-anyos na babae, 39-anyos na babae, at 21-anyos na babae mula sa Abucay, at 33-anyos na lalaki mula sa bayan ng Pilar.
Sa report ng PHO noong Martes at Miyerkules, 32 na pawang dumalo sa religious service ang nasuring may Covid–19.
Kabilang sa mga bagong kumpirmadong kaso ng Covid-19 na wala namang kaugnayan sa nangyaring religious service ay isang 68-anyos na lalaki at 36-anyos na lalaki mula sa Balanga City; 30-anyos na lalaki at 52-anyos na babae mula sa Dinalupihan; 16-anyos na babae at 52-anyos na lalaki mula sa Orion.
Kasama ng mga ito ang isang 29-anyos na lalaki mula sa Samal, 24-anyos na babae mula sa Mariveles, at 23-anyos na lalaki mula sa Pilar.
Sinabi ng PHO na may dalawang bagong nakarekober kaya umabot na sa 242 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa mapanganib na virus.
Ang mga bagong gumaling ay isang 35-anyos na lalaki at 26-anyos na babae na parehong mula sa bayan ng Abucay.
Tumaas sa 136 ang mga aktibong kaso at nananatili sa 12 ang mga pumanaw na.
Ayon sa PHO, nasa 285 ang naghihintay ng resulta ng Covid-19 test samantalang 7,176 na ang nagnegatibo mula sa 7,851 na sumailalim sa pagsusuri.