Vice Ganda ayaw maging next Comedy King

    355
    0
    SHARE

    Hindi pabor si Vice Ganda na tawagin siyang next Comedy King or the next Dolphy.

    Ito ang sinabi ng gay comedian sa kanyang thanksgiving dinner for the entertainment press last Friday night sa Packo’s Grille, QC.

    “Hindi puwedeng mangyari ’yun. Ako na mismo ang magsasabi na hindi ako pwedeng maging Comedy King.

    Dahil si Mang Dolphy ang Comedy King. Walang puwedeng maging susunod na Mang Dolphy,” saad ni Vice Ganda.

    Eh, paano kung taumbayan na mismo ang nagsasabi at nagbibigay sa kanya ng nasabing title?

    “Ako kasi, bilang respeto na rin sa totoong Comedy King, kawawala lang, may bago na ulit pumalit sa kanya?

    “At saka, hindi, there will only be one Mang Dolphy. Kahit pagbali-baligtarin man natin ang mundo, walang puwedeng sumunod na Mang Dolphy, walang next Mang Dolphy.

    “At kahit ako, ayoko ring maging next Mang Dolphy kasi, mahirap ’yun. Why choose to be the next Mang Dolphy if you can be the first and last Vice Ganda,” he said.

    Mas gugustuhin pa raw niya ang current title na idinidikit ngayon sa kanya na “Phenomenal” and “Unkabogable.”

    “Oo, akin na ’yun.  At least, sa akin galing ang salitang “unkabogable” ’di ba? Ako mismo nagpauso. Okay na ako do’n. Pero ’yung Comedy King, ’wag na.”

    Ang 2011 movie ni Vice Ganda na The Unkabogable Praybeyt Benjamin ang kasalukuyang humahawak ng record na “highest-grossing Filipino film of all time” na nag-gross ng 347 million.

    At ngayon naman, ang kanyang 2012 movie na Sisterakas with Kris Aquino and Ai-Ai delas Alas ay no.1 sa Metro Manila Film Festival at nasa P300M na rin daw ang gross nito’t mukhang aabutan na ang Praybeyt Benjamin since hanggang Jan. 8 pa ang showing ng movie nila.

    Ano ang feeling dito ni Vice?
    “Umiiyak nga ako, inaaway nga ako ni Kris. Sabi ko, makakabog na ’yung Benjamin, ang lungkot ko. Sabi niya, ‘ang selfish-selfish mo, pelikula nating tatlo ’yun.’

    “Siyempre, ayoko namang magpaka-ipokrita. Happy and sad (ang feelings). Happy kasi pelikula ko pa rin ’yung kumabog, kesa naman hindi ko pelikula, ’di mas masakit ’yun.

    “Pero sabi ko nga kay Direk Wenn (Deramas), kasi baby movie ko ’yung Benjamin, mahal na mahal ko ’yun.

    Siyempre, ayokong magpaka-ipokrita na ‘okay lang ’yun.’ Hindi talaga masyadong okay pero okay na rin kasi at least, kasali pa rin ako sa pelikulang kumabog kung kakabugin nga ito,” he said.

    Ngayong 2013, ang pagkakaabalahan naman daw ni Vice ay concert.

    “Kasi, hindi ako nakapag-concert last year kasi ’yung pelikula, dala-dalawa.”

    Plano niyang magkaroon ng big concert this May sa Araneta Coliseum at kasalukuyan pa raw itong pinag-uusapan.

    Sa pelikula naman, aniya ay baka isa lang daw ang gawin niya at ito ay ang Part 2 ng The Unkabogable Praybeyt Benjamin. Gusto rin daw niyang gumawa ng movie with Maricel Soriano and in fact, napag-usapan na raw nila ito ni Wenn Deramas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here