NGAYONG 2013
    Meteor showers at iba pang kaganapan sa kalawakan

    328
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Nakita mo ang kauna-unahang meteor shower sa unang pitong araw ng taon?

    Huwag mag-alala, hindi mo man nakita ang isang linggong Quadtrantid meteor shower, marami pang mga kaganapan sa kalawakan ngayong 2013 na iyong maaaring abangan.

    Ito ay batay sa tala ni Frederick Gabriana, isang mathematician at positional astronomer mula sa Rizal Technological University (RTU),ang nag-iisang pamantasan sa bansa ang nagtuturo ng kurso hinggil sa astronomiya.

    Ayon kay Gabriana, ang Quadrantid meteor shower na nasaksihan sa kalawakan mula Enero 1 hanggang 7 ay susundan ng pagpapakita ng planetang Jupiter di kalayuan sa buwan sa darating na Enero 22.

    Sinabi ni Gabriana na “Jupiter will be seen half degree from the moon on January 22” at iginiit pa na ito ay isang magandang pagkakataon sa mga astrophotographer.

    Ang mga astrophotograper ay ang mga litratistang kumukuha ng larawan sa kalawakan gamit ang teleskopyo at kamera.

    Kasunod nito ay ang “occultation of Spica” sa Marso 28 na tatampukan ng may isang oras na paglitaw at pagkawala ng kabilugan ng buwan.

    Ayon pa sa listahan ng top 10 astronomical events for 2013 ni Gabriana, sa darating na April 26 ay masasaksihan ang isang lunar eclipse; at Saturn opposition sa Abril 28.

    Sa Mayo 6, magaganap ang Eta-Aquarid Meteor Shower, at sa Mayo 29 ay ang paglitaw ng Jupiter ng isang degree sa planetang Venus.

    Susundan naman ito sa Agosto 7 ng pinakamanipis na crescent moon, at pagdaan sa mundo ng C/2012 S1 comet na masasaksihan simula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 10.

    Bago naman magpasko o sa Disyembre 14 ay masasaksihan sa himpapawid ang Geminid meteor shower.

    Ayon kay Gabriana, ang kalkulasyon sa paglitaw ng bawat astronomical event na kanyang itinala ay nakatukoy sa Philippine Atmospheric Geophyscial Astronomical Services Administration (Pagasa) astronomical observatory sa Lungsod ng Quezon.

    Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Ruby Dela Cruz, pinuno ng astronomy department ng RTU na walang dapat ipangamba sa mga meteor shower katulad ng katatapos na Quadrantid meteor shower.

    Ito ay dahil sa ang meteor ay hindi tatama sa mundo.

    Ang mga meteor o bulalakaw ay nadurog na bahagi ng kometa.

    Ayon kay Dela Cruz, karaniwang nakikita ang bulalakaw na parang fireball o bolang apoy na may mahabang buntot sa papawirin.

    Nilinaw niya na kaya nag-aapoy ang bulalakaw ay kapag pumasok ito sa atmospera ng mundo, at kung tatama man sa mundo, bago ito bumagsak sa lupa ay maaabo na dahil nasusunog lalo na kung maliit na piraso lamang.

    Idinagdag pa niya na ang mga bulalakaw ay dumadaan sa atmospera ng mundo sa bilis na 90 milya bawat oras.

    Ang atmosphere ng mundo ay may taas na 50 kilometro mula sa ibabaw ng lupa.

    Ang paglitaw ng mga bulalakaw ay depende sa dami ng meteor. Kung ang pagbabasihan ay ang Quadrantid meteor shower, sinabi niya na 40 bulalakaw ang kanilang nakita sa loob lamang ng isang oras.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here