Pag-apruba ng Comelec sa ’79 partylists’ dapat ibasura

    306
    0
    SHARE

    Kung ani chairman Sixto Brillantes, Jr.
    Ng Comelec o ‘Commission on Election,’
    Nais na sana niyang i-abolish itong
    Grupong partylist na umiiral ngayon

    Bago pa man niya inanunsyo nitong
    Nakaraang buwan ng Nobyembre, ang tungkol
    Sa sitenta’y nuebeng partylist na grupong
    Puede pang sumali sa next year’s mid-term polls.

    Na inihayag niya sa harap ng media
    Ang kabuoang bilang na naapruba;
    Singkwenta’y otso ang bale itinira
    Mula sa isang daan saka labing lima

    At bagama’t halos kalahati lamang
    Nitong syento kinse ang na-‘retain’ bilang,
    At ang baguhan ay beinte uno lamang
    Sa syento sisenta’y singkong ‘new applicants’

    Ay di na rin siya ‘satisfied’ umano
    Sa pananatili ng partylist na ito;
    Kaya nga’t kung siya ang tatanungin mo,
    Ang buwagin yan ay ikatuwa nito

    At nang mawala na ang partisipasyon
    Ng partylist sa susunod pang eleksyon,
    At tayo ay maka-pagumpisa nitong
    Panibagong batas na maisusulong

    At bagong sistemang higit na maganda,
    Kaysa sa ganyang lalong lumobo kumbaga
    Ang gastusin ng gobyerno sa kanila
    Sanhi nitong ubod daming bilang nila.

    Tayo man marahil itong tatanungin,
    Hinggil sa partylist ay makabubuting
    Buwagin na para makabawas sa ‘ting
    Pasahod para sa mga Solons natin

    Na wala rin naman ding ina-atupag
    Ang marami kundi ang magtawid-dagat;
    At manood ng boksing sa Las Vegas,
    Itong kung pumusta’y perang sangkatutak.

    Dala palibhasa nitong sila mismo
    Ang gumagawa ng ating batas dito,
    Kaya nagagawa n’yan ang kahit ano
    Na ikabubuti ng sariling gusto?

    Kulang pa ba naman itong bawat bayan
    Ay may nakatoka na tayong Congressman
    Na siyang sa atin ay kumakatawan
    Sa anumang pangangailangan ng tanan?

    Gaya halimbawa sa’ting lalawigan
    Kung saan itong 1st District ay kay Tarzan;
    Kinabibilangan ng bayang Magalang,
    Ng Angeles at ng Mabalacat po riyan.

    At nitong tatlo pang District sa Pampanga,
    Kung saan ang 2nd ay kay Madam Gloria;
    Ang 3rd ay hawak ng dati niyang kasangga
    At itong 4th District naman ay kay Anna.

    Kaya para ano at kakailanganin
    Ni Juan dela Cruz ang dagdag na pasanin
    Sa partylist group na iboboto pa rin
    Para i-represent itong sektor mandin

    Ng umano ay mga ‘security guard,’
    Na di naman akma sa personalidad
    Nitong sa ngayon dito humahawak,
    Pagkat ang ganyan ay di nito dinanas

    At nitong iba pa na lubhang malayo
    Sa kinakatawan itong tumatayo,
    Kaya papaanong ikapapanuto
    Ng kung anong sektor ang ganitong anyo?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here