MAARI BANG maging tagapagtanggol ngayon ang dating tagapangasiwa kahapon?
Mga katanungan sa kalayaan, pananagutan, at tiwala ng publiko.
Sa bawat malaking trahedya, hindi lamang ang mismong sanhi ng pagkaguho ng istruktura ang dapat siyasatin.
Isang mahalagang bahagi ng paghahanap ng katarungan ang pagsusuri sa mga ugnayan, tungkulin, at dating responsibilidad ng mga personalidad na nasasangkot. Ito ay sa kadahilanang ang integridad ng anumang imbestigasyon ay nakasalalay sa pananaw ng publiko hinggil sa pagiging patas at malaya nito.
Sa puntong ito, isang mabigat na usaping nararapat pagnilayan ng lungsod ang kasalukuyang papel na ginagampanan ni dating City Administrator Atty. Willie Rivera.
Balikan natin ang kronolohiya ng mga pangyayari. Noong 2023, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang isang ordinansang nagbigay ng exemption sa height limitation na nagbigay ng kondisyon na makakuha ng approval o certification mula Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP). Pagkatapos ng humigit kumulang sa isang buwan lumabas ito.
Ang hakbang na ito ang nagbigay-daan upang maitayo ang gusali na naging sentro ng trahedya dulot ng pagguho nito.
Ang ordinansang ito ay nilagdaan at inaprubahan ng noo’y Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin upang maging isang ganap na batas-panglungsod.
Mula sa taong iyon ng pag-apruba (2023) hanggang sa pagtatapos ng termino ng administrasyon noong 2025, si Atty. Rivera ang nagsilbing City Administrator ng Angeles City.
Sa batas at aktuwal na operasyon ng lokal na pamahalaan, ang City Administrator ang alter ego ng alkalde—ang pangunahing kamay na nagpapatakbo sa pang-araw-araw na pangangasiwa ng mga departamento. Sakop ng kanyang pangangasiwa, pagmo-monitor, at koordinasyon ang mga tanggapang may direktang obligasyon sa pagpapatupad ng mga regulasyon, paggawad ng mga permit, at pagsasagawa ng mga inspeksyon.
Sa mismong mga panahong ito na nasa ilalim ng kanyang administratibong pangangasiwa ang lungsod, patuloy na itinayo ang nasabing gusali—ang istruktura na kalaunan ay gumuho at kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 21 katao, kabilang ang mga manggagawa, mga vendor, at isang inosenteng sanggol.
Hanggang ngayon, marami pang pamilya ang nakalubog sa pighati at naghahanap ng pananagutan.
Sa kasalukuyan, si Atty. Rivera ay opisyal nang tumatayo bilang legal counsel ng may-ari ng gumuhong gusali.
Siya ang aktibong kumakatawan sa kanila sa mga pagpupulong, mga pahayag sa media, at sa mga legal na hakbang na may kinalaman sa trahedya.
Ilang malilinaw na prinsipyo ang dapat nating ilatag: Walang sinuman ang dapat agad husgahan nang walang bista, at ang bawat panig—kabilang ang mga may-ari ng gusali—ay may sagradong karapatan sa legal na representasyon.
Karapatan ni Atty. Rivera, bilang pribadong abogado, ang pumili ng kanyang kliyente. Gayunpaman, hindi natin maiaalis sa mamamayan ang magtanong nang may malalim na pagkabahala:
Maaari bang magkaroon ang publiko ng buong tiwala sa kalayaan at kawalan ng kinikilingan ng proseso, kung ang dating pinakamataas na opisyal ng ehekutibo na namamahala sa panahon ng pagpapatupad ng proyekto, ay siya ring pangunahing kalasag at tagapagtanggol ngayon ng pribadong korporasyon na nasa sentro ng imbestigasyon?
“Kung magpapatawag ng isang malalimang pagsisiyasat ang isang Fact-Finding Task Force, paano mapapawi ang alinlangan ng publiko na walang nagaganap na salungatan ng interes (conflict of interest), o maiiwasan ang impresyon na ang nakaraang administrasyon ay sinusuri nang may pagkiling, lalo na’t ang kanilang dating opisyal ang siyang tumatayo ngayon para sa kabilang panig?”
Ang usapin dito ay lumalamlas na sa teknikal na kahulugan ng batas. Ang mas matayog na prinsipyo na nakataya rito ay ang tinatawag nating DELICADEZA at ang pangangalaga sa tiwala ng bayan sa mga institusyon ng pamahalaan.
Sa mga trahedyang may bahid ng dugo at luha ng mga naging biktima ng pagguho, may isang lumang gintong tuntunin sa batas at pamamahala: “Justice must not only be done, it must be seen to be done.”
Ang katarungan ay hindi lamang dapat igawad; dapat din itong malinaw at walang pag-aalinlangang nakikita ng publiko na naisasagawa nang walang kinikilingan.
Para sa mga pamilyang naulila, para sa mga sugatang patuloy na nagdurusa, at para sa buong komunidad ng Angeles na naghahanap ng katotohanan, ang pinakamahalagang pundasyon ng pagpapanumbalik ng hustisya ay ang kredibilidad, moral na integridad, at dalisay na tiwala ng publiko.



