LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) – Ipinagpapasalamat ni Gobernador Daniel Fernando na sa wakas gumugulong na ang mga pangmatagalang proyektong kontra baha na tatlong dekada nang isinusulong upang mabawasan hanggang matuldukan ang pagbabaha sa Bulacan.
Ito aniya ang isang malaking maiiwang pamana ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga Bulakenyo na matagal nang nagtitiis sa malalim at matagal na panahon ng pagbabaha sa lalawigan.
Sa ginanap na situation briefing kasama ang Pangulo na idinaos sa Pampanga nitong Lunes, pormal na ipinabatid ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa mga gobernador at alkalde ng mga apektadong bayan sa Gitnang Luzon na kasalukuyan nang nagsasagawa ng feasibility study ang Asian Development Bank (ADB).
Umayon na rin ang ADB na makapaglaan ng pahiram na pondo sa proyektong Manila Bay Integrated Flood Control Coastal Defense and Expressway.
Isa itong proyekto na may habang 100 kilometro na magkukulong sa mga latian ng Metro Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan.
Bukod sa pagiging dike, gagawin ding kalsada ang ibabaw nito na magbubukas ng panibagong daan sa nasabing mga lugar na makakatawid sa Manila Bay sa mabilis na oras.

Bagama’t ilang taon pa ang hihintayin para maisakatuparan ito, itinuturing na ni Gobernador Fernando na isa nang maliwanag na pag-asa ito matapos ang ilang taon pakikipag-usap at pakikiusap sa pamahalaang nasyonal.
Samantala, inilahad ng Punong Lalawigan na tututukan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kasalukuyang proyektong kontra baha sa pamamagitan ng Provincial Infrastructure Coordinating Council na nilikha sa bisa ng Executive Order No. 22.
Inuubliga nito ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal at mga kontratista na kailangang makakuha ng maayos at sistematikong pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, bago ipatupad ang isang partikular na proyektong imprastraktura.
Gayundin kapag natapos na, kailangan din silang kumuha ng acceptance certificate sa pamahalaang panlalawigan. (CLJD/VFC, PIA Region 3-Bulacan)



