Home Opinion ‘Pandemic Covid-19 is not weakening’

‘Pandemic Covid-19 is not weakening’

211
0
SHARE

TAMA lamang na ibalik ng gobyerno
sa piling lugar ang pagpatupad nito
ng lalo pang pinaigting na ECQ
upang mawala na nang tuluyan ito

Na hanggang sa oras ito, patuloy
ang pagdami r’yan ng nahawaan nitong
naturang virus na halos araw-araw
ang paglobo ng bilang n’yan di makontrol.

Nang dahil na rin sa sobrang katigasan
ng ulo ng iba nating kababayan,
na alam nang bawal lumabas ng bahay
kung di para lang sa importanteng bagay.

At marapat gawin huwag munang lumabas,
pero sige pa rin ang adik sa alak
at mga tsismosa sa pakikitalak
sa kapwa sugapa – sa lahat ng oras.

Lalala ba itong sakit na pandemya
kung iwasan natin itong naging mitsa
nang pagdaming lalo ng mga nahawa
sa Covid-19 na produkto ng China?

(Na ayon sa siste na ngayo’y kalat na,
tanging Covid-19 lang na ‘Made in China’
ang ‘super’ anila’t matibay talaga
kumpara sa alin mang produkto nila.

At totoo naman ang kwento tungkol d’yan,
na ano pa mang gawa sa bansang ‘yan
ay ‘one time use’ lang o hindi tumatagal
pagkat marurupok ang mga gawa r’yan).

Maliban sa tayo’y maging masunurin
sa pinag-uutos ng gobyerno natin
wala nang pinaka-mabisa marahil
kundi ang mabuti itong ating sundin.

(Pero hindi komo sila itong hari,
lahat nang iutos sinusunod lagi;
mayroon din namang mga pasubali,
na di dapat sundin kung ito ay mali).

Kung kailan at hanggang saan matatapos
ang grabeng pinsalang sa tao idulot
nitong pandemic na uri r’yan ng ‘virus,’
tanging Diyos lamang ang makasasagot!

Kung saan maaring ito’y pagsubok din
ng ating Dakilang Lumikha sa atin
kung ga’no katatag ang tiwala natin
sa nagagawa ng taos na dalangin.

Marami na itong sa Poong Maykapal
nakalimot na at kahit saglit man lang
sa loob ng beinte kwatro oras, di n’yan
maibahagi ang kapurit na dasal.

At magpasalamat sa mga biyaya
na kaloob sa ‘tin, na hindi magawa
nating maibulong man kay Bathala,
gabi-gabi bago man lamang humiga?

Kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan,
humingi tayo at bibigyan din naman;
Nasasaad sa Banal na Kasulatan,
ang pagpapala Niya at Kadakilaan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here