1.
DILG secretary humingi ng paumanhin
sa lalaking nakahubad nang ito ay arestuhin
sa pahayag ni Remulla buong tapang na inamin
na mayrong pagkukulang sa kanyang naging tagubilin
at dahil sa pangyayari ay nangako ang kalihim
ang pagpapatupad dito ay kanilang aayusin
2.
Aniya, ay lilinawin ang mga pagpapatupad
sa ordinansa na saklaw ng mga bayan at siyudad
ang mga huhulihin lang ay ang mga naglalakad
sa kalye at public places na pagala-galang hubad
sila ay di sasantuhin nitong mga awtoridad
na naatasang manghuli sa mga taong lalabag
3.
ang safe city initiative layunin ay kaayusan
upang masugpo ang krimen sa syudad at pamayanan
dahil madalas umusbong ang anumang kaguluhan
lalo na kung sa kalye ay mayroong nag-iinuman
at ang mga kabataang gumagala sa lansangan
sa dis-oras ng gabi ay huhulihin pa rin naman
4.
Bagaman. may nagsasabing ang labis na apektado
sa ordinansang ito ay maralitang Pilipino
ito anila’y pagsikil sa karapatang pantao
at ito ay hindi daan upang tayo’y umasenso
subalit para sa mga mamamayang may negosyo
sang-ayon na ipatupad ito ng ating gobyerno
5.
Komento naman ng iba ang ordinansang nabanggit
diumano’y isang uri ng diversionary tactics
upang pagtakpan ang isyu at tuluyang mailihis
suliranin nitong bansa hinggil sa presyo sa langis
di solusyon anila ang manghuli ng walang damit
upang tuluyang wakasan itong lumalalang krisis
6.
MPD at QCPD titigil pansamantala
na kanilang ipatupad ang nasabing ordinansa
ito’y dahil inulan ng mga batikos at puna
at ng mga sentemyento ng tao sa social media
hindi muna manghuhuli’t magpapataw ng parusa
batay na rin sa nilabas nilang bagong direktiba
7.
Hangad nila at layuning ito’y maipaliwanag
muna nila ng maayos bago muling ipatupad
may pagbabago sa mga panuntunang nakasaad
sa mga alituntunin sa nilikha nilang batas
muling ipagpapatuloy ang panghuhuli sa hubad
kapag ito’y naayos na at malinaw na sa lahat



