Home Opinion Mga pabor at ‘di pabor na matuloy ang eleksyon 

Mga pabor at ‘di pabor na matuloy ang eleksyon 

639
0
SHARE

1 

Kung may nagnanais man na di matuloy ang eleksiyon

yan ang mga nasa pwestong naninilbihan sa ngayon

kasama na rin pati ang kanilang mga amuyong

na labis ang kasiyahan ng dahil sa kanselasyon 

sapagkat ang BSKE ay di na raw matutuloy

na naunang itinakda ng Nobyembre ngayon taon

2.

Kaya ang mga kapitan pati na mga kagawad

sa kanilang mga puso’y walang pagsidlan ng galak

lalo na ang mga may loan na hindi pa  nakabayad

at ang mga walang silbi na kapitang mandurugas

sila ay di na gagastos ng salaping  limpak-limpak

sa kanpanya ay di na rin mapapagod, magpupuyat

3.

Sila ang hindi pabor na magkaroon ng halalan

dahil batid nilang sila’y di na muling mahahalal

kaya ang 2 years extension pa nilang panunungkulan

ito ay tila pagkatig ng magandang kapalaran

subalit sa mga tao nilang pinaglilingkuran

ito ay isang kalbaryo pa nilang pagdudusahan

4.

At ang mga di pabor na makansela ang eleksiyon

mamamayang nagdusa na ng matagal na panahon

ang pangunahing dahilan ng di nila pagsang-ayon

nalabag ang karapatan batay sa’ting konstitusyon

pangalawa ay masyadong mahaba ang limang taon

at sayang ang ginastos ng COMELEC sa preparasyon

5.

Hindi rin sumasasang-ayon ang nais na magserbisyo

sa kanilang barangay na ang hangad ay pagbabago

mga bulok na sistemang kailangan ng maiwasto

kung saan ang mamamayan ang siyang nasasakripisyo

ang dapat na manungkulan malinis ang pagkatao

taong mayrong takot sa Diyos at matatag ang prinsipyo

6.

Sila yaong nararapat na maglingkod sa barangay

at hindi ang mga taong ganid sa kapangyarihan

na ang tanging iniisip pansariling kapakanan

at hindi ang paglilingkod na mayroong katapatan

kung kaya’t ang pagkansela sana dito sa halalan

pagbalahura’t pagsikil sa’ting mga karapatan

7.

Ikaw ba ay tutol din sa pagkansela sa eleksiyon? 

o ikaw ay isa rin sa pumapayag na matuloy? 

ang ganitong katanungan ay depende sa sitwasyon

ng barangay at ng mga naninirahan sa nayon

kung maganda ang palakad lahat sila’y sasang-ayon

at kung hindi ay malamang na sila rin ay tututol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here