Lalaking drug pusher huli

    218
    0
    SHARE
    HERMOSA, Bataan – Isang madamdaming tagpo ang nasaksihan sa police station dito kamakalawa ng gabi kung saan ipinagtanggol ng lalaki ang kanyang asawa na diumano’y walang kasalanan. Niyakap at hinalikan ng lalaking nakaposas ang babaing tumatangis habang siya’y dinadala sa police car.

    Ang lalaki ay si Ramon Jamir, 45, samantalang ang babae ay ang live-in partner niyang si Divina Corpus, 49. Sila’y nakatira sa barangay Culis, Hermosa.

    Nahuli diumano ang lalaki sa isang buy-bust operation at nakumpiska sa kanya ang dalawang sachet ng shabu at dalawang P500-bills na marked money.

    Habang nasa police station ang lalaki, dumating ang babae at tinangka nitong suhulan ng P30,000 ang mga pulis kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa asawa,  ani Chief Insp. Jeremias Dayo, Jr., Hermosa police chief.

    “Walang kasalanan ang asawa ko, huwag ninyo siyang ikulong kawawa ang anak ko, ipinautang ko lang ang pera,” sabi ni Jamir habang patuloy sa pagluha ang babae. Ayaw naman nitong sagutin ang tanong na kung para saan ang pera.

    Itinanggi rin ng lalaki na gumagamit siya ng shabu. Patuloy ang pagtatanggol niya sa asawa na diumano’y walang kasalanan.

    Inihahanda na ng pulisya ang karampatang kaso laban sa mag-asawa. Binati naman ni Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan police director, ang pulisya ng Hermosa dahil sa magandang ginawa ng mga ito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here