Home Headlines Karambola ng 3 sasakyan: 2 patay, 7 sugatan 

Karambola ng 3 sasakyan: 2 patay, 7 sugatan 

717
0
SHARE

MARIVELES, Bataan — Dalawa ang patay samantalang pito ang sugatan nang magkasalpukan at magkarambola ang motorsiklo, tricycle, at kolong-kolong sa bayang ito Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni chief barangay tanod Ronnie Montes ng Balon Anito ang mga namatay na sina motorcycle rider Alfred Sodario at tricycle driver Amadeo Baldevicio.

Ang mga sugatan naman ay dalawang angkas ng motorsiklo at limang sakay ng kolong-kolong, kabilang ang driver nitong si Erick Domingo. Ang mga nasawi at nasugatan ay pawang mga residente ng Balon Anito.

Sinabi ni Montes na sa kanilang pagtatanong, nauuna ang kolong-kolong na sinusundan ng tricycle. Nag-overtake, aniya, ang tricycle sa kolong-kolong at iksakto naman na parating ang motorsiklo na pasalubong at papuntang kabayanan ng Mariveles.

Sa nangyaring karambola, nagresulta umano ito ng agarang pagkamatay ng rider na si Sodario at pagkasugat ng dalawang angkas nito na ang isa ay malubha.

Ang tricycle driver na si Baldevicio na nag-iisa sa sasakyan ay naisugod pa sa Maheseco Hospital sa Mariveles ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ang driver at mga sakay ng kolong-kolong ay nagkaroon lamang ng galos sa katawan ngunit dinala rin sa ospital, sabi ni Montes.

Pinayuhan ng hepe ng barangay tanod ang kanilang mga ka-barangay na huwag masyadong mabilis sa pagpapatakbo ng kanilang sasakyan at huwag magmaneho kung nakainom.

“Pinag-aaralan ng aming barangay chairman George Legaspi at mga kasapi ng council na magkaroon  ng speed limit sa area na ito sa national road dahil walang pakundangang magpatakbo ang ilang kabataan dito lalo na kung gabi,” sabi ni Montes.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here