Home Featured Article Ika-25 taon ng Pagoda Tragedy ginunita

Ika-25 taon ng Pagoda Tragedy ginunita

434
0
SHARE

BOCAUE, Bulacan — Dalawampu’t limang taon makaraan ang paglubog ng pagoda sa ilog para sa kapistahan ng Mahal na Poong Krus sa Wawa ay ginunita ang tinaguriang Bocaue Tragedy.

Matatandaan na nasa mahigit 270 katao ang namatay dito at ito na ang ika-apat na taon nang muling lumaot ang malaking pagoda sa ilog ng Bocaue noong 2013.

Bago ang kapistahan ay gabi-gabi na isinasagawa ang pagno-novena para sa Mahal na Poong Santa Cruz sa ilog ng Barangay Poblacion.

Sa paggunita ay isang misa muna ang ginawa bago ang pagno-novena sa ilog.

At gaya ng naunang mga taon matapos ibalik ang pagoda ay pinagsusuot ng life vest bilang safety measure sa mga sasamang deboto sa pagoda.

Bukod dito ay may mga rescue boats ng PNP at Bulacan Rescue ang kasama sa pagsasagawa ng nubenaryo.

Matatandaan na July 2 noong 1993 nang maganap ang trahedya at hanggang ngayon ay patuloy pa ring inaalala ang mga martir at naging biktima sa paglubog ng pagoda.

Sa novena sa ilog ay tatlong pagrorosaryo ang gagawin kada gabi upang mapagbigyan ang mga deboto na dumarayo sa Bocaue bago ang araw ng kapistahan.

Muling inilibot sa kailugan ang Krus sa Wawa sa pamamagitan ng pagsakay sa tuktok ng pagoda.

Gawa sa bakal ang pagoda at tinibayan ng husto ang buong frame nito.

Ito ay upang hindi na maulit ang malagim na trahedy na ikinamatay ng daan-daang deboto.

Ayon kay Mayor Joni Villanueva magkahalong emosyon ang mga nararamdaman ng kanyang mga kababayan sa ngayon dahil sa nangyaring trahedya dahil tuwing gugunitain at aalalahanin ang nangyari ay naluluha o naiiyak ang mga Bocaueño.

Aniya, bawat pamilya ay mayroong biktima na kasama sa trahedya.

Tandang-tanda pa niya noong mangyari ang paglibog ay nasa sekondarya siya sa eskwelahan at tila naging ghost town ang kanilang bayan.

Marami din aniya siyang kaibigan na nasawi sa nasabing trahedya.

Sa tuwing sasapit at aalalahanin nila ang araw ng paglubog ay talagang namumutawi ang kanilang kalungkutan.

Subalit aniya ito rin ang panahon na nakaka-move on na ang kanyang mga kababayan kaakibat nito ang pagpapatibay ng pananampalataya sa Diyos na sa kabila ng unos o trahedya ay babangon at babangon muli at ang Diyos ang ating magiging sandigan at makakapitan.

Ito rin aniya ang pinanghahawakan na pananampalataya ng kanyang mga kababayang Bocaueño.

Pahabol pa niya, magpapatayo sila ng isang bantayog ng mga naging biktima ng trahedya ng paglubog ng pagoda sa isang lugar malapit sa ilog.

Ayon sa mga deboto mula nang maibalik ang paglibot ng Krus sa Wawa ng Bocaue sa kailugan ay yumabong at sumigla ang pamumuhay ng kanilang bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here