PANIBAGONG dagok na naman sa hanay
ng ‘men in uniform’ ang napabalitang
diumano ay kaso riyan ng panghahalay
ng apat na pulis nitong Meycauayan.
Kung saan ay isang buntis ang biktima,
na nagkataong sa operasyon nila
laban sa ipinagbabawal na droga,
sa ‘place of incident’ ay dinatnan siya.
Di gaanong klaro kung siya’y dinakip
kasama ng ‘pushers’ sa ginanap na ‘raid,’
at kung sa loob ng presinto siya nireyp
o sa bahay mismo ng target na ‘pushers’.
Sa puntong naturan, saan man naganap
ang pagmolestya r’yan ng nasabing apat
na pulis, ang kaso na kinakaharap
ng mga ‘yan ay medyo mabigat-bigat.
Di ko sinasabing nagsisinungaling
ang mga pulis nang kanilang mariing
itinangging hindi n’yan magawang gawin
ang akusasyon sa kanila ng ‘victim’.
Walang sinumang supling riyan ni Eba
ang basta magsumbong na hinalay siya
kung hindi totoong ginawa sa kanya,
ang ‘in public’ iyan ay isalaysay niya.
Sapagkat matinding kasiraang puri,
kahihiyan at pagkapariwara pati
ng dangal at moral ng isang babae;
ang ibilad sa buong mundo ang sarili!
Partikular sa isang may asawa’t anak
na katulad nitong ang hagulgol, iyak
sa harap ng ating mga otoridad
halos ikapugto ng kanyang ulirat.
Idagdag pa natin ang huling nagsumbong
na minolestya rin daw nitong damuhong
pulis Meycauayan, ‘an investigation
regarding both complaint should be conducted on’.
Upang malaman ang mga pangyayari
sa likod nitong kung bakit ang babae
na unang nagsumbong, siya ang bandang huli
ang kumambyo’t di na nagdemanda pati.
Aywan lang kung siya’y tinakot lamang
ng kung sino kaya iniurong na lang
ang kasong balak isampa sa hukuman,
liban sa iba pang posibleng dahilan.
Aywan din naman sa isa pang nagsumbong
na aniya siya rin ay minolestya raw,
pero hayan, ang pananahimik patuloy
gayong matindi ang kanyang akusasyon.
Natural naman sa panig ng kabila
ang maghagilap ng depensa ika nga,
upang maiwasan ang kahiya-hiya
at di magandang reputasyon sa madla.
Kaya marapat lang sa puntong naturan
na mag- ‘public apology’ itong ginang
na nagpasimula at siyang naglagay
sa kanila sa balag ng kahihiyan.
Kung hindi totoo na siya’y hinalay
ng isinumbong na pulis Meycauayan,
upang masagip pati imahe r’yan
ng mga matino nating kapulisan!