Home Opinion Ang biro ay biro, huwag gawing tutoo

Ang biro ay biro, huwag gawing tutoo

611
0
SHARE

MAY mga oras na aywan kung biro lang
kay Pangulong Digong ang mga salitang
madalas ay basta niya binibitiwan
nang walang pangimi sa harap ng bayan.

Gaya nitong kailan lang ay sinabi niya
na siya’y di corrupt na gaya ng iba,
at ang tanging nagawang pagkakasala
ay ‘extra judicial killings’ lamang aniya.

Kaya naman, hayan, ang di kapanalig
at kaaway, puno ng galak ang dibdib
sa inaasahang sa sariling bigbig
siya maaaring ma-’self incriminate’

Na hindi malayo nitong kaharapin
sa husgado kung ‘yan ay maituturing
na isang ika nga ‘self confession’ na rin
at sa sarili mismo ang magdidiin

Pagkat sabihin man nating pagbibiro
ang sinabi, iyan sa kabilang dako,
may ‘negative effect’ na puedeng patungo
sa ikaipit niya at pagkabilanggo.

Kapag sineryoso ng mga ‘Dilawan,’
partikular nina Kiko Pangilinan,
Drilon, Trillanes at iba pang kalaban
na sabik mapuesto rin sa Malakanyang.

Kasi naman itong ating Presidente
madalas gayahin ang ‘style’ ni Dolphy,
kaya di malaman minsan ng marami
kung seryoso ‘yan sa mga sinasabi.

Bagama’t madalas ang pagka-barako
ang makikita sa kanyang pagkatao,
subok na matatag at taglay ang listo
ng isang gaya ni Andres Bonifacio.

Padalus-dalos nga lang sa sinasabi,
at bale-wala lang kung magmura pati
‘in public,’ kung kaya ilag ang marami
nating ‘Catholic Priest’ sa madaling sabi.

Hindi sa tayo ay kay Digong pasipsip
kung kaya ang ating opinion may bahid
pagkampi sa gawa niyang nasa matuwid,
pero ‘yan ay hindi sa lahat ng saglit.

Dala na rin nitong ang pamamahayag
ay isang propesyon na hindi marapat
mabahiran kahit katiting na ulap
nitong kung tawagin ay pagiging ‘bias’.

Pagkat tayo’y wala rin namang pangimi
na ibulgar at/o isulat ang mali
ng sinumang nasa gobyerno, sakali
ma’t ang Pangulo ang nakagawang mali.

Ang isa sa kanyang ilang kapintasan,
ay mapagmura siya at wala kung minsan
sa direksyon maging sa harap ng bayan
ang pagsasalita na pagiwang-giwang

At di pa man tapos sa anumang paksa
ay sa ibang isyu biglang kakaliwa,
kung kaya ang iba niyang sinasalita
ay hindi gaanong ma-’pick up’ ng madla.

‘Yan sa ganang ating sariling panukat
ang kay Duterte ay maaring ipintas,
pero pagdating sa tungkuling marapat
niyang tupdin tayo ay walang maipintas!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here