VM, 7 konsehal kinasuhan sa SP

    461
    0
    SHARE
    ALIAGA, Nueva Ecija – Nahaharap ngayon sa kasong administratibo sa sangguniang panlalawigan ng Nueva Ecija ang bise alkalde at pitong miyembro ng sangguniang bayan dito.

    Batay sa reklamong isinampa ni Mayor Gonzalo Moreno nitong Lunes, ang nga kinasuhan at sina Vice Mayor Elizabeth Vargas at mga konsehal na sina David Angelo Vargas, Joey Colima, Susana Ramos, Jesus Ordanes, Arnel Calderon, at Dolores Alamon.

    Inirereklamo ni Moreno ang mga kapwa opisyal ng grave misconduct, gross negligence, misconduct in office, dereliction of duty, paglabag sa Section 60 ng Republic Act 7160 at Section 46 Subtitle A, Title 1, Book 5 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987.

    Ayon kay Moreno, tahasan umano na hindi inaaksiyunan nina Vargas ang mga panukalang resolusyon at ordinansa na isinusumite ng kanyang tanggapan nang walang anumang makatwirang dahilan.

    Dahil dito, aniya, apektado ang serbisyo na dapat maipagkaloob sa mamamayan ng Aliaga.

    Kabilang sa nabibinbin sa SB ang kanilang panukalang 2017 budget at mga authority to enter into contract sa Land Bank of the Philippines para sa paglalagay ng automated teller machine (ATM) sa municipal compound, sa Central Luzon Expressway (CLEx), at waste disposal company, at iba pa.

    Hinihiling ni Moreno sa sangguniang panlalawigan na patawan ng preventive suspension sina Vargas upang maiwasan, ayon sa kanya, na maimpluwensiyahan ang mga testigo at ebidensiya.

    Tumanggi namang magkomento si Vargas dahil hindi pa raw niya nababasa ang reklamo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here