TF Roque, CIDG nagsanib na sa Balagtas Massacre

    772
    0
    SHARE

    BALAGTAS, Bulacan—Nagsanib na ang Task Force Roque at Criminal Investigation Detection Group (CIDG) para sa mabilis na kalutasan ng kasong tinagurian bilang “Balagtas Massacre.

    Ayon sa pulisya malinaw na ngayon kung sino ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-anak na sina Rodrigo Roque, Cristina Sta.Ana, Corrine Sta.Ana at Christian Sta. Ana sa St. Francis Subd. Barangay Borol 2nd sa bayang ito.

    Sa eksklusibong panayam sa isang safe house, sinabi ni Romulo Sta, Ana, ang asawa at ama ng napatay na mag-iinang sina Cristina, Corrine at Christian, anumang oras ay possible nang isampa ang kaso laban sa pangunahing suspek.

    Gayunpaman, wala pang tinukoy na pangalan ng suspek si Sta. Ana.

    Suot ang isang polo shirt na may nakatatak na Justice for Rodrigo Roque and Sta. Ana Family sinabi ng naulilang padre de familia na matiyaga siyang nakatutok sa kaso at hindi siya babalik sa Italya hanggang hindi nareresolba ang kaso ng kanyang mag-anak.

    Bagamat naiinip sa pag-usad ng imbestigasyon ay naniniwala siya na nasa proseso ang lahat ng ginagawa ngayon ng mga otoridad upang maresolba ang masaker ng kaniyang pamilya.

    Sa pagsasanib ng Task Force Roque at CIDG , sinabi ni Sta. Ana na nakakatiyak siya na mas mapapadali ang takbo ng imbestigasyon at hindi magiging “fall guy” lamang ang magiging suspek.

    Gayunpaman, nananawagan siya sa nasa likod ng krimen na sumuko na lamang sa mga otoridad upang matuldukan na daw ang kaso.

    Ngunit kung hindi man ito susuko ay posible na itong maaresto sa mga susunod na araw matapos ang imbestigasyon.

    Nagpapa-abot din si Romulo ng pakikiramay sa isang biktima ng Massacre sa Valenzuela noong Huwebes.

    Nalulungkot daw siya na matapos na mapabalita ang masaker sa kaniyang pamilya ay may panibago na namang insidente ng masaker ang nangyari.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here