MATAPOS SUMEMPLANG
    Rider hinihinalang nasagasaan ng ilang sasakyan

    162
    0
    SHARE

    SAMAL, Bataan- Patay ang rider na hinihinalang nasagasaan ng ilang sasakyan matapos sumemplang ang dala nitong motorsiklo sa gitna ng malakas na ulan bandang alas-8 ng gabi ng Linggo sa bahagi ng Roman Superhighway sa Samal, Bataan.

    Dead on the spot si Mary John Obligado, 19, ng Las Pinas City at collector ng Racal Motor Sales branch sa Mariveles, Bataan.

    Bumalandra ang motorsiklo sa gitna ng kalsada samantalang tumilapon ang biktima sa kaliwang bahagi ng superhighway kung saan nagulungan diumano ito ng ilang sasakyan na hindi huminto.

    Ayon kay Jenrid Payumo, kasamahan ng biktima sa Racal, nakasakay sila sa magkahiwalay na motorsiklo galing Olongapo City at pabalik na sa Mariveles. Nauuna umano ang biktima sa kanya nang makita na lamang niyang nakabalandra ang motorsiklo nito sa gitna ng kalsada.

    “Matapos kong madala sa gilid ang motorsiklo, nakita kong nagulungan ang kasamahan ko ng bus na galing Balanga at papuntang Manila,” sabi ni Payumo na ipinapakita pa ang bahagi ng dibdib kung saan may bakat umano ng gulong ang biktima.

    Bukod diumano sa bus, maaaring may iba pang sasakyan na unang nakasagasa sa kanyang kasamahan batay sa narinig niyang kuwento ng ilang nakasaksi.

    “Nananawagan ako sa kung sino man ang nakasagasa sa aking anak, makonsensiya ka sana at panagutan mo ang iyong kasalanan,” sabi ni Julito Semilla, stepfather ng biktima.

    Nanawagan din siya na ayusin sana ang butas-butas na bahagi ng kalsada na itinuturong dahilan kung bakit sumemplang ang motorsiklo ng biktima. “Balitang marami ng naaaksidente sa lugar na ito,” sabi ng ama-amahan.

    Maraming nagsasabi na hindi na mabilang ang namatay sa lugar na ito dahil sa butas-butas na bahagi ng sementadong kalsada. Madalas naman umanong ayusin ito pero madali ring masira dahil sa ulan.

    Sinabi ni PO2 Rodrigo Imperial, Samal police investigator, na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa pangyayari.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here