Home Headlines Pax Silica: Bago ako magsuporta, kailangan ko munang maintindihan ang datos 

Pax Silica: Bago ako magsuporta, kailangan ko munang maintindihan ang datos 

898
0
SHARE

PARA SA kaalaman ng marami, heto ang natuklasan ko.

Bilang isang nasa tech at may negosyo ng cloud at AI dito sa Central Luzon, kinikilala ko na malaki ang potensyal ng Pax Silica at ng New Clark City data center zone hanggang $40–$70 billion na investment at 190,000 trabaho. Pero hindi ako basta sasakay sa hype. Tiningnan ko ang mga sinasabing “sustainable” na solusyon at gusto kong ipaliwanag ito sa paraang maiintindihan ng lahat.

Dalawang bagay ang binabanggit: tubig-ulan at solar. Tignan natin nang simple.

ANG TUBIG-ULAN (RAINWATER)

Sabi nila, sasaluhin daw ang ulan sa 4,000 acres na lupa para gawing tubig ng data center. Totoo, umuulan sa Tarlac ng halos 1,900 milimetro kada taon mukhang marami. Pero heto ang problema: hindi pantay ang ulan. 

Sa Hulyo, umuulan ng 361mm. Sa Enero? 25mm na lang halos tuyot. Parang sweldo na malaki sa isang buwan pero halos wala sa susunod hindi mo maaasahan araw-araw.

At ang masaklap: pinakauhaw ang data center tuwing tag-init (Abril–Mayo) yun mismo ang panahong halos walang ulan. 

Kahit saluhin mo ang lahat ng ulan sa bubong ng isang malaking campus, mga 12% lang yun ng pangangailangan ng ISANG data center. Para mag-imbak ng sapat sa tuyong buwan, kailangan mo ng imbakang kasinlaki ng maliit na lawa.

Ibig sabihin: ang tubig-ulan ay pantulong lang hindi ito ang pangunahing sagot.

ANG SOLAR

Sabi nila, gagawa daw ng solar farm para dito. Pero alam nating lahat: walang solar sa gabi. Patay ang araw pagsapit ng dilim. Ang data center? Tumatakbo 24 oras, 7 araw kahit hatinggabi, kahit madaling-araw.

Gaano kalaki ang kailangan? Para lang mapaandar ang buong 3-gigawatt na demand gamit ang solar, kakailanganin mo ng limang beses ang laki ng MTerra yung pinakamalaking solar farm sa buong mundo, na nasa Central Luzon din. 

O katumbas ng 11 beses ang laki ng buong zone. Hindi kasya. At para may kuryente sa isang gabi lang, kailangan ng baterya na 8 beses ang pinakamalaki sa mundo.

Ibig sabihin: ang solar ay pantulong din lang hindi kayang mag-isa.

KAYA HETO ANG TANONG

Kung hindi sapat ang tubig-ulan at solar, saan kukunin ang natitira? Sa grid at tubig ba na ginagamit ng ating mga tahanan, sakahan, at negosyo? Kasi kung oo, may epekto ‘yan sa kuryente, sa presyo ng kuryente, at sa tubig-pang-irigasyon ng “Rice Granary” ng bansa.

Hindi ito laban sa progreso. Pero hindi rin blangkong suporta. Bago ako o sinuman magsabing “suportado,” dapat malinaw muna ang sagot: saan talaga manggagaling ang kuryente at tubig, at sino ang magbabayad kung kulang?

Transparency muna. Tignan natin ang math hindi lang ang magagandang salita. 

CTTO: Image capture from facebook post

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here