PAROLA: Gabay ng mangingisda noon, napabayaan ngayon

    451
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Malayo pa ay matatanaw na ang matandang parola sa bukana ng ilog palabas ng Maynila na nasasakop ng Barangay Pugad sa bayang ito.

    Ito ay dahil sa halos 50 talampakang taas nito na sa loob ng maraming dekada ay nagsilbing gabay sa mga mangingisdang Bulakenyong pumapalaot sa Manila Bay kung gabi.

    Ang nasabing parola ay nakatindig sa lubog nang kongkretong pundasyon na dinurog ng alon.

    May nakalawit na hagdang bakal mula sa itaas nito, ngunit ang kalahati nito mula sa ibaba ay putol na sanhi ng kalawang, isang palatandaan na ito’y matanda na at mahabang panahong pagkakabilad sa simoy at tilansik ng tubig alat mula sa dagat.

    Sa tutok ng parola ay isang malaking puting bumbilya, na kung gabi, partikular na noong ito’y gumagana pa ay kulay pula ang ilaw.

    Ayon sa mga opisyal ng Barangay Pugad tulad nina Kap. Ramon Atienza at mga Kagawad Alfredo Lunes at Gilbert Tamayo, mahigit tatlong taon ng walang dingas ang nasabing parola.

    Ito ay dahil sa expired na o umabot na sa sukdulan ang kakayahan ng batirya nito na ang enerhiya ay nagmumula sa araw.

     “Solar yan, pero expired na daw ang baterya dahil anim na taon lang ang buhay,” ani Lunes.

    Dahil naman sa walang dingas kung gabi ang parola, sinabi ni Atienza na posibleng magkaroon ng disgrasya sa karagatan kung gabi.

    “Iyan ang gabay ng mga mangingisda sa dagat kung gabi,” ani Atienza.

    Inayunan naman ito nina Kagawad Tamayo at Bernard Concepcion na nagsabing sa mahabang panahon ay nagsilbing gabay ng mga mangingisda ang parola.

    “Hindi lang iyan gabay kung saan ka dadaan pabalik, gabay iyan kung saan makakahuli ng kabuhayan sa dagat,” ani Tamayo.

    Ipinaliwanag niya na ang mga mangingisda ay may kakaibang kakayahan na matukoy kung saang bahagi ng dagat sila laging nakakahuli ng maraming isda.

    “Basta may ilaw ang parola, mas madaling matantya ng mangingisda kung gaano sila kalayo sa pampang at kung saan maraming isda,” aniya.

    Para naman kay Concepcion, bukod sa mga taga-Pugad, “nakikinabang din ang mga mangingisdang taga San Roque, Sagrada, Sta. Elena, Mercado, San Pascual at iba pang lugar sa nasabing parola.

    “Ang parolang iyon ang siyang nagsisilbing palatandaan ng mga mangingisda upang makabalik sa tabi o pangpang ng hindi naliligaw, napakahalaga nito sa mga mangingisda kaya, nakapagtataka na hindi ito nabibigyan ng kaukulang pansin ng ating mga opisyal,” ani Concepcion.

    Ayon kay Atienza, ipinabatid na nila kay Mayor Angel Cruz ng Hagonoy ang problema sa nasabing parola.

    Ito raw ay tinugon ni Cruz na makikipag-ugnay siya sa Coast Guard of the Philippines para sa pagpapakumpuni nito.

    Una rito, nakipag-ugnayan na sa pamahalaang bayan ng Hagonoy ang mga opisyal ng Pugad may apat na taon na ang nakakaraan, ngunit nakalimutan na ito ng mga kasapi ng sangguniang bayan.

    Kaugnay nito, sinabi ni dating Bokal Pat Laderas na ang nasabing parola ay bahagi na ng mahabang kasaysayan ng Hagonoy. Samantalang ipinanukala ng iba na naipakumpuni iyon upang maging bahagi ng turismo.

    Batay sa mga kuwento ng mga residente ng Pugad, ang ilaw na dating ginagamit sa parola ay isang Coleman o ilaw na pinagdidingas ng alcohol at sinisindihan gabi-gabi.

    Noong dekada 70, ito ay ginamitan ng kuryente ngunit tuwing babagyo ay nasisira ang linya, kaya’t noong 2000 ay ginamitan iyon ng solar technology.

    Subalit mula ng mapalitan ng solar ang parola, hindi na ito naasikaso at tuluyang napabayaan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here