1.
Kailan lang ay may namigay ng marinated na manok
mula sa mga sponsor na may mabubuting loob
sa alkalde’y may pumuri’t nagpasalamat ng lubos
sa natanggap na biyayang sa kanila ay kaloob
mayrong hindi nasiyahan at kagyat na bumatikos
dahil inaamag na raw ang ayudang pinamudmod
2.
kasalanan ba ng mayor kung sakali at may amag
ang ilang karne ng manok gayong di siya ang nagsiyasat
ito’y daan-daang kilong nakasilid sa plastic bag
kung mayron mang tagulamin ay hindi maaaninag
imbes na ang nabigyan ay lubos na magpasalamat
binatikos pa ang mayor ng ilan sa maaangas
Bakit kailangan pa nilang ang alkalde’y ikumpara
sa ilang tumutulong na namimigay ng ayuda
lalo kung naka-bidyo at pi-nost pa sa social media
at mayroon pang caption na tila pang aalipusta
malinaw na ang ganitong mga batikos at puna
aminin man nila’t hindi may bahid ng pulitika
Lahat ng nasa gobyerno’y gumagawa ng paraan
upang ang mga binaha ay kanilang matulungan
sapagkat yan ang tungkulin na kanilang sinumpaan
bilang halal na opisayal ng ating pamahalaan
sa tuwing may kalamidad ay sila ang aasahan
sila rin ang sinisisi kapag mayrong kapalpakan
5.
Ang ibang nagbibigay ang layunin ay makatulong
lalo na kung nanggagaling sa mga pribadong sector
ngunit kung ang namimigay ng ayuda at donasyon
mga pulitikong talo sa nakaraang eleksiyon
kadalasan ang hangarin lamang nila at ambisyon
ay ang muling maihalal sa darating na panahon
Anuman ang layunin ng mga taong nagbibigay
ito ay isang gawain na sadyang napakahusay
lalo sa panahon ngayong taghirap ang pamumuhay
dahil maraming binahang mga bayan at barangay
di dapat pulitikahin mga taong namimigay
kung sarili naman nilang salapi ang nilulustay
7.
Dahil sa kasalukuyan ay maraming apektado
sa pagbaha na dulot ng mga pag-ulan at bagyo
magkaisa na lang sana kayong mga pulitiko
upang mapaglingkuran ang sambayanang Pilipino
sobrang pamumulitika ay iwasan muna ninyo
ang pagtuunan ng pansin ay ang serbisyo publiko



