Home Headlines Libreng bigas ni PBBM umabot na sa mga pinakaliblib na lugar sa...

Libreng bigas ni PBBM umabot na sa mga pinakaliblib na lugar sa San Miguel, Bulacan

761
0
SHARE

SAN MIGUEL, Bulacan (PIA) – Nakarating na hanggang sa pinakaliblib na mga lugar sa San Miguel, Bulacan ang tig-10 kilo ng kaloob na bigas sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinangunahan ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang pamamahagi sa mga barangay ng Balite, Batasan, Pulong Bayabas, San Juan, at Salangan sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Nagsilbing sentro ng bigayan ng bigas ang nasabing mga barangay ng iba pang kalapit na mga barangay nito.

Pinondohan ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas ng mas pinalaking Local Government Support Fund kung saan 9,154 na mga pamilyang sa bayan ng San Miguel ang nakinabang.

Tatlong beses silang pagkakalooban ng bigas hanggang Disyembre 2026.

Pinangunahan ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa may 9,154 pamilya sa San Miguel, Bulacan sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaugnay nito, binigyang diin ni Abalos na hindi lamang ito basta pamamahagi ng bigas sa mga pinaka nangangailangang sektor, ito aniya ay nagiging pagkakataon upang malaman pa kung anu-ano ang mga tulong, proyekto, at programa na dapat pang ibaba ng administrasyong Marcos Jr.

Dito muling idinulog ni Gobernador Daniel Fernando sa kalihim maiparating sa pangulo na ngayong aprubado na niya ang pagpapatayo ng Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project, mahalagang mapabilis ang pagkukumpleto ng feasibility study, detailed engineering design, at pagpapatupad nito.

Ito ang proyektong suportado na ng Asian Development Bank na pagtatayo ng nasa 150 kilometrong megadike mula Metro Manila hanggang Bataan.

Kukulungin nito ang mga dalampasigan ng Kamaynilaan at mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan.

Haharangin nito ang regular na high tide na nagdudulot ngayon ng araw-araw na pagbabaha sa maraming mabababang lugar.

Lalagyan ito ng mga pumping stations upang mailabas naman ang tubig mula sa back-flooding at dam releases sa panahon ng may malalakas na pag-ulan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here