MARIVELES, Bataan — Pormal nang binuksan ang FAB Fair 2026 sa Freeport Area of Bataan (FAB), tampok ang iba’t ibang aktibidad, pagkain, musika at aliwan na naglalayong maghatid ng kasiyahan sa mga manggagawa, pamilya at bisita ngayong Kapaskuhan.
Pinangunahan ni Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) Administrator and CEO Hussein Pangandaman ang ribbon-cutting ceremony, kasama sina Deputy Administrator for Support Services Malou L. Herrera, Office of the Administrator Group Head Atty. Percival B. Peralta, mga miyembro ng AFAB Management Team, AFABEA President Von Calvin Aguilar, at Myrna Arevalo ng FABILA.

Sinundan ito ng basbas sa mga puwesto na pinangunahan ni Father Hipolito Araña bilang bahagi ng pormal na pagbubukas ng fair.
Nagbigay naman ng kasiyahan sa mga dumalo ang mga pagtatanghal ng Alarcon Band, 5th Gen, at Bataan High School for the Arts, na naghatid ng musika at masiglang atmospera sa FAB Fair Grounds.
Layunin ng FAB Fair na magsilbing lugar ng pagtitipon at pasyalan kung saan maaaring magsama-sama ang mga pamilya, magkakaibigan at magkakatrabaho habang tinatangkilik ang iba’t ibang pagkain at aktibidad.
Handog ng AFAB, inaasahang magiging isa na naman itong tampok na pasyalan sa Freeport Area of Bataan ngayong panahon ng Kapaskuhan. (30)



