Home Headlines Pagbalik sa WPS: Iba-ibang saloobin ng mangingisda

Pagbalik sa WPS: Iba-ibang saloobin ng mangingisda

1209
0
SHARE

Isa sa mga bangkang pangisda sa Barangay Sisiman, Mariveles ang naghahanda upang pumalaot. Kuha ni Ernie Esconde



MARIVELES, Bataan
Nagpahayag ang mga mangingisda dito nitong Biyernes ng iba-ibang saloobin tungkol sa anyaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na bumalik sa pangingisda sa West Philippines Sea.

Mayroong pumapayag, may nalalayuan, may nag-aagam-agam.

Sinabi ni Jhony Gabuco, kapitan ng fishing boat (FB) Ashton Jade, nakadepende sa season ang pagpunta nila sa isang pangisdaan na tulad ngayong Mayo na simula ng habagat ay sa WPS ang kanilang tungo.

Ang habagat umano ay mula Mayo hanggang Setyembre.

Nagkakarga na ng yelo ang mga tauhan ni Gabuco upang mangisda dalawang araw mula ngayon sa bahagi ng West Philippine Sea sa Sabina Shoal na nakakasakop daw sa Commodore Reef malapit sa Palawan.

Medyo mahina lamang, aniya, ang huling isda sa WPS dahil bukod sa mga mangingisda mula sa China marami rin umanong mga mangingisdang Vietnamese ang kaagaw nila na gumagamit ng super light.

Kung panahon naman ng amihan, ani Gabuco, na nagsisumula ng Disyembre ay sa parte ng Sulu Sea sa  Zamboanga o sa Tubbataha sa Palawan sila nangingisda.

Payag naman ako kung pinababalik kami ng BFAR sa WPS kaya lang pumupunta kami kung saan talaga magandang mangisda batay sa panahon,” sabi ni Gabuco.

Hindi naman, aniya, sila natatakot sa mga Chinese na kung minsan itinataboy sila pero upang makaiwas, lumalayo na lamang sila at hindi na dumidikit kapag nasa pangisdaan ang mga dayuhan.

Si Larry Rafael, kapitan ng FB JayVeevan, ay nagsabing hindi pa sila nakakarating sa parte ng Pag-asa at sa halip ay sa bahagi ng WPS sa western Palawan sila madalas mangisda.

“Okay naman ang pangingisda namin sa WPS dahil wala gaanong bulabog bagama’t may mga kalabang Vietnamese at Chinese pero mababait naman ang Vietnamese. Ang mga Chinese ang matatapang,” sabi ni Rafael.

Wala umano siyang balak mangisda sa Scarborough Shoal dahil malayo na ito.

Bagama’t hindi pa naman siya nakakaranas ng pagtataboy, ang iba nilang kasamahang  mangingisda, ani Rafael, na pumupunta sa bahura ng WPS ay itinataboy ng Chinese Coast Guard.

Ayon naman kay Dalisay Cruz, pangulo ng Sisiman Fishing Association, maganda ang layunin ng BFAR ngunit para, aniyang, napakahirap paniwalaan dahil noong nakaraan lang ay itinaboy ang mga kasapi ng media.

 

Seguridad

“Paanong magkakaroon ng seguridad ang mangingisda kung ang mismong nasa gobyerno at media ay pinapaalis?” tanong ni Cruz.

Ang kanyang asosasyon ay binubuo ng mga may-ari ng 51 malalaking bangkang pangisda na ang bawat bangka ay may pinakamababang bilang ng tauhan na 14.

“Sana kung talagang may ganyang order ay baka pwedeng tulungan na makarating doon at siguraduhin ang siguridad ng mga mangingisda para hindi magkaroon ng duda na talagang tayo ay pinapayagan na mismong makapangisda doon sa lugar na dapat ay sa atin dahil iyon ay pag-aari ng Pilipinas, sabi ni Cruz na isa ring kagawad ng Barangay Sisiman.

Baka maaari din, aniyang, humiling sa mga namumuno tungkol sa pangingisda sa China Sea na bantayan din siguro ang mga mangingisda para magkaroon ng seguridad na hindi sila mapapaano sa lugar na iyon;

“Panawagan ko sa ating Pangulo o sino mang nasa mataas sa gobyerno, sa hinaing ngayon ng ating mga mangingisda na sana ay talagang magampanan at tayo ay makarating doon. Ang atin ay atin na walang magbabawal, iparehas ang laban, sabi pa ni Cruz.

“Kung sakali mang nagkakaroon na sana ng pagkakaunawaan ang Pilipinas at China na kagaya ng sinasabi ng Pangulo na ang China ay ating kaibigan sana kung sila ay kaibigan, pati ang lugar na dapat pagiging magkakaibigan natin ay ibigay din sa atin. Malaya, walang nagbabawal, parehas na lang kung aangkinin at wala na sanang pagbabawalan para wala ng  problema o ano mang mangyayari sa ating bansa,” pahayag pa ng pangulo ng mangingisda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here