I.
Noong araw ang wika ng bayaning si DOKTOR RIZAL
Nasa kabataan aniya ang pag-asa nitong BAYAN
ito’y hindi kuru-kuro kundi isang KAWIKAAN
kung matamang susriin ay mayrong KATOTOHANAN
dahil sa panahon nila marami ang MAKABAYANG
nagbuwis ng buhay upang makamit ang KALAYAAN
II.
Nang tayo ay sakupin ng mga sakim na KASTILA
na nagpakasasa noon sa YAMAN ng ating bansa
ang mga RAHA at DATU natin ay di nagpabaya
na sa mga dayuhan ay unang-unang SUMAGUPA
sinuong ang panganib ng ating mga MANDIRIGMA
makamit lamang nila ang pinakamimithing LAYA
III.
Kahit di nagtagumpay sa kanilang PAKIKIHAMOK
ang kanilang KATAPANGAN hinding-hindi malilimot
sa aklat ng kasaysayan BAYANI ay naging tampok
sa taglay na KAGITINGAN at katatagan ng loob
sila ay di nakitaan ng PAGKABAHAG ng buntot
buong GITING na lumaban sa dayuhang mananakop
IV.
Marahil ang batayan ng ating pambansang BAYANI
ay ang tapang at prinsipyo nitong lahing KAYUMANGGI
dahil kahit ilang beses ng sila ay NADUHAGI
laban sa mga kastila’y ayaw pa ring MAGPAGAPI
umasa si Rizal na ang susunod na SALINLAHI
ang magiging KASAGUTAN sa kanilang pagkasawi
V.
Tama kaya ang palagay nitong si gat Jose Rizal,
na kabataan nga ang siyang PAG-ASA ng ating bayan?
o ito ay bunga lamang ng sarili niyang PANANAW ?
dahil sa kanyang prinsipyo at pagiging MAKABAYAN
na nagbunsod sa kamay ng MAPANG-ALIPING dayuhan
na ipataw ang malagim na parusang KAMATAYAN
VI.
maaaring sa palagay ni gat Jose Rizal noon
ay makabayan pa rin ang susunod na HENERASYON
tila di niya naisip na sa paglipas ng PANAHON
mayrong mga PAGBABAGONG magaganap sa’ting nasyon
sapagkat halos yata sa KABAATAAN natin ngayon
mulat at nahawa na rin sa talamak na KORAPSIYON
VII.
MASASABI pa ba nating kabataan ang pag-asa?
nitong bansa kung ang murang mga KAISIPAN nila
ay NILAMON at BINALOT na ng bulok na sistema
ng magulo at maruming takbo nitong PULITIKA
hindi ba’t may KASABIHAN kung ano ang nakikita
ng bata sa matatanda ang siya nilang GINAGAYA ?