Nitong nakalipas na dekada, taon-taon ay natatagpuan natin ang ating mga sarili na nagmumuni-muni tungkol sa ugnayan nating lahat sa Inang Kalikasan. Kaya nga lang, ang malimit na tagapagpaalala sa atin tungkol dito ay ang mga sakunang dala niya.
Minsan naiisip nating lahat na marahil ay pinarurusahan tayo dahil sa mga pagwawalang-hiya at patuloy na pagsira natin sa ating kapaligiran sa ngalan ng kaunlaran.
Sa mga panahong ito, saka lang natin naiisip ang kahalagahan na pangalagaan ang kalikasan.
Ngunit, naniniwala rin naman ako na kung may mga pagkakamali tayong nagawa, hindi naman dapat doon magtatapos dahil laging bukas ang pagkakataong ayusin ang mga mali.
Noong Setyembre, inimbitahan ako sa Protected Area Management Boards (PAMB) Summit sa Batangas na may temang “Towards improved conservation, protection and rehabilitation of protected areas in CALABARZON.”
Dito, napakinggan ko ang iba’t-ibang hinaing ng mga tagapangalaga natin sa kalikasan.
Ikinatuwa kong malaman na marami pang mga Pilipino ang nag-aalay ng kanilang sining at buhay upang mapangalagaan at maproteksyonan ang ekolohiya sa bansa.
Nabigyan din ako ng pagkakataong maibahagi ang isa sa mga panukalang isinusulong ko na naglalayong maprotektahan ang 149.01 hektarya ng lupaing pampubliko na sumasakop sa tatlong barangay sa Guinyangan, Quezon – Bgy. Himbubulo, Bgy. San Pedro I at Bgy. Magsaysay – ang Maulawin Springs Protected Landscape (MSPL).
Ilang beses ko nang nabisita ang Maulawin na kinakailangang lakarin ng mga 30 minuto mula sa provincial road ng Guinyangan. Mayroong tatlong ilog at iilang sapa sa loob ng lupain na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig at pagkain ng 38 na taong naninirahan dito.
Nagkaroon ng kaunting problema noong mga nakaraang taon dahil sa mga maling kinagawian ng mga residente.
Pero dahil na rin sa mga pagkilos ng mga tagapangalaga rito, may mga hakbang na magtatanggol at mga proyektong pangkaunlaran na naipatupad na at patuloy na ipinatutupad kagaya ng: foot patrol, reforestation activities, tree-planting, pag-taguyod ng ecological laboratory para sa patuloy na pananaliksik, mga pathways, dileanation at demarcation projects, fencing, pagtaguyod ng molave plantation, at mga livelihood projects na ikinatuwa naman ng mga residente.
Dahil sa mga nabanggit, hindi na bumabalik sa pagkakaingin at sa iba pang mga gawaing nakakasira sa ekolohiya ng Maulawin ang mga residente rito.
Ang pangunahing layunin ng panukalang batas na isinusulong ko ay ang maprotektahan ang kabuuan ng Maulawin laban sa walang humpay na pang-aabuso ng mga taga-labas at mapanatili at maipreserba ang balanse ng ekolohiya dito.
Sa ngayon, hinihintay ko na lamang na mabasa ito sa 3rd reading bago matapos ang session ngayong buwan dito sa Kongreso. Sa Senado naman, mayroon itong dalawang counterpart bills na nagawan na ng committee report at hinihintay na lamang na maisponsor ni Senator Chiz Escudero.
Bago tuluyang matapos ang 15th Congress sana ay maging batas na ang panukalang ito.