Home Opinion Katotohanan sa naging karanasan ng isang rebeldeng kabataan

Katotohanan sa naging karanasan ng isang rebeldeng kabataan

115
0
SHARE

ANG ISANG kabataan ay nararapat lang na magkaroon ng magandang kinabukasan. May karapatan ang mga ito na makapag-aral, makapagtapos, matulong sa pamilya at mapaglingkod sa bayan.

Pero sa murang edad, hindi ito ang naranasan ni Datu Awing Apuga ng Ata-Manobo tribe mula sa Davao de Norte. Imbis na pagsusulat at pagbabasa ang inaaral, paghawak ng baril at pag-asinta sa target ang unang natutunan nito.

Sa paaralang Salugpungan na kanilang tinatawag, imbis na ang mga aralin ay tungkol sa Math, English at Filipino ang itinuturo, imperialism, feudalism at capitalism ang siyang isiniksik sa kaisipan ng mga kabataang may murang isipan.

Ito yung katotohanan sa karanasan ng ating mga kapatid na katutubo na inaalisan ng karapatan ng mga CPPNPA na magkaroon ng payapa at maunlad na komunidad sa kanilang ancestral domains.

***

Base sa paglalahad ni Datu Awing, sinira ng mga komunistang rebelde ang totoo ng layunin at bisyon ng Salugpungan school sa kanilang komunidad.

Natatandaan niya kung paano nilinlang ng mga lider ng NPA ang kanilang komunidad sa pagsasabing sila ang totong gobyerno na ipaglalaban ang kanilang mga karapatan at nangako na hindi lang sila tutulungan kundi bibigyan din ng edukasyon ang mga katutubong kabataan.

Anong klaseng edukasyon kaya ang ibinibigay ng mga komunistang rebeldeng ito? Kung pag-aarmas at pagtuligsa sa pamahalaan maging sa kapwa Pilipino ng mga ito, para sa akin, hindi edukasyon na maitutring ang gawaing ito.

Hindi lang kaisipan at damdamin ang pinaglaruan ng mga rebeldeng grupo na ito kundi pati mismo kultura at tahanan na kanilang pundasyon sa pagiging katutubo ay pinasok at ginawang guerilla bases ng mga armado.

***

Inilahad din ni Datu Awing na sa Salugpungan school, edad 6 hanggang 17 ang mga kabataang sinasanay ng mga rebeldeng armado para maging child warrior at kalabanin ang pamahalaan.

Ang pilit na isinisiksik sa kanilang kaisipan ay kailangan nilang gawin ang armadong pakikibaka. Ito lang daw umano ang paraan na mabago ang bayan at ang tanging kaligtasan lang ay ang paghawak ng armas.

Hindi ba pagkakaisa at pagtulong natin sa bawat isa at sa gobyerno ang magpapabago ng ating bayan? Hindi ba isang malaking sumpa para sa mga kabataan na turuan silang mag-armas at talikuran ang kanilang magandang kinabukasan?

Sa karanasan na mismo ng mga kabataang ito nagmula na sa lahat ng engkwentro sa pagitan ng NPA at ng kasundaluhan, marami sa kanila ang namatay na hindi nila alam kung ano ang totoo nilang ipinaglalaban.

***

Kung ang mga katutubo na ito ay nagsalita at nanindigan sa ngalan ng katotohanan at kagustuhan na matigil na ang kultura ng karahasan at panlilinlang sa kanilang mga komunidad, dapat tayo rin na nandito sa kasunluran ay makita ang halaga ng ating pagsasalita kontra armadong pakikibaka.

Tulungan natin ang bawat isa na mapanindigan ang ninanais natin na totoong pagbabago sa ating lipunan na nakaugat sa kapayapaan at kaunlaran, hindi sa pag-aarmas at armadong pakikibaka na itinututo sa mga kabataan.

Ito ang katotohanan na dapat natin maunawaan at pagkakaisang matugunan!

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here