Kamay na bakal ang dapat ipairal

    724
    0
    SHARE

    KUNG SA kabila ng mga mabubuting
    pagkilos at mga magandang hakbangin
    ni DU30 para magawang sugpuin
    itong talamak na krimen dito sa’tin

    Partikular na riyan ang bawal na gamot
    na patagong dito sa’tin naipapasok
    (galing ibang bansa) sa ‘Bureau of Customs,’
    tiyak malalaking tao r’yan ang sangkot

    Pagkat papaanong ang malaking bulto
    ng nasabing droga na kagaya nito
    ay di naharang ‘yan sa Aduana mismo
    kung walang sabuwatan na nangyari dito?

    At kung saan tiyak di lamang marahil
    itong mahigit sa lima hanggang anim
    na bilyong piso ang halaga – ang tanging
    nailusot pa lang bago pa nabuking

    Ang mga ‘dorobo’ diyan sa Aduana
    na masahol pa sa gutom na buwaya
    kung magpakabundat yan sa ‘tara-tara’
    na galing sa katas ng bawal na droga.

    Pero, ano nga ba’t sa likod ng lahat
    na ng kautusang ipinatutupad
    ni Duterte para tuluyang malansag
    ang lahat ng bagay na labag sa batas

    Ay kapintasan pa ang ibinabato
    nitong di kakampi ng ating Pangulo
    at mga buwayang kati ng gobyerno
    na kaalyado r’yan ni B.S. Aquino

    Maliban pa kina senador Trillanes,
    Hontiveros at ibang kasanggang dikit
    (ng sulterong laway) na walang interes
    kundi siraan ang gobyernong malinis

    Gayong sila itong nang panahon nila
    ang walang nagawa laban d’yan sa droga
    ng dahil na rin sa baka itong isa
    sa hanay n’yan mismo ang ‘kingpin’ kumbaga?

    Walang imposible sa panahong ito
    na kung saan kahit ang matinong tao
    ay masisia ang katinuan nito
    sa kislap ng pilak at matinding tukso.

    Gaya na lang nitong isyu kina Faeldon
    at iba pang opisyal sa Bureau of Customs,
    na umano’y sangkot sa lagayan doon,
    ya’y di simpleng kasong basta maibabaon

    Pagkat tunay namang marapat usigin
    ang lahat ng sangkot sa ganyang usapin
    nang di pamarisan itong naging taksil
    sa mandato nila’t banal na tungkulin.

    At hangga’t maari, kung mapatunayan
    na nagkasala nga ang taong naturan,
    pinakamabigat na hatol ang siyang
    ipataw dapat ng hustisyang pambayan

    Nang di pamarisan ang mga katulad
    nilang sa bayan ay naging talipandas
    nitong susunod pang sa Custom hahawak
    bukas-makalawa, magpahanggang wakas!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here