Ipa ng palay sagot sa krisis sa LPG

    843
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Walang dapat ipangamba ang mga Pilipino kapusin man ng liquefied petroleum gas (LPG), ayon sa isang Bulakenyong imbentor na gumagamit ng ipa o balat ng palay bilang alternatibong panggatong sa pagluluto.

    Ayon kay Agaton Milagroso, isang magsasakang nakaimbento ng ‘sipag-kalan’ sa Barangay Balite ng lungsod na ito, malaki ang matitipid ng isang pamilya sa pag-gamit ng ipa bilang panggatong.

    “Habang nagtatanim ng palay ang mga magsasaka, di kayo dapat matakot, dahil matipid na panggatong ang ipa,” ani Milagroso na mula nong 2007 ay hindi na gumamit ng LPG matapos niyang maimbento ang kanyang sipag-kalan.

    Sinabi niya na kumpara sa tangke ng LPG na umaabot sa P500 ang presyo, ang isang sako ng ipa na nagkakahalaga lamang ng P20 ay magagamit sa pagluluto sa loob ng tatlong araw.

    Ayon kay Milagroso, ang P20 bayad sa isang sako ng ipa ay halos bayad lamang sa tricycle na pagsasakyan nito mula sa mga ricemill na halos ipinamimigay lamang ang mga ipa matapos gilingin ang palay at mahiwalay ang bigas.

    Ipinagmalaki niya na mas mainam gamitin ang ipa kumpara sa uling dahil ito ay madaling pagningasin sa pamamagitan lamang ng paglalagay ng sinindihang papel at hindi nakakabawas sa mga punong kahoy.

    “Ito ang solusyon sa kakulangan sa supply ng mahal na LPG,” ani Milagroso at ipinakita kung paano ang pagluluto gamit ang kanyang sipag-kalan na ang gatong ay ipa.

    Ayon kay Milagrosos, mas mabilis magluto ng pagkain kung ipa ang gagamiting panggatong at magagamit pang pataba sa halaman ang uling ng ipa na nasunog.

    Ipinakita rin niya na ang uling ng nasunog na ipa ay maaring ihalo sa mga basura mula sa kusina o kitchen wastes upang iyon ay hindi langawin at maging compost fertilizer.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here