Ina ng batang maysakit, nainsulto sa P200 bigay ni Erap

    491
    0
    SHARE
    SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan—Sa halip na matuwa, nainsulto pa ang pamilya ng batang may-sakit sa lungsod na ito matapos silang bigyan ni dating Pangulong Joseph Estrada ng P200 papel kamakalawa ng gabi.

    “Akala namin magbibigay siya ng referral, pero P200 lang ang binigay, nainsulto pa kami,” ani Myrna Almoguera, 37, isang residente ng Phase I, Pabahay 2000, Barangay Muzon sa lungsod na ito.

    Si Almoguera ay natiyempuhan ng mga mamamahayag habang umiiyak sa gilid ng entablado ng covered court habang pangko ang kanyang 3-taong anak na si Yan-yan na lumobo na ang leeg at mukha dahil sa tumor.

    Sinabi niya na alas-3 pa lamang ng hapon ay naghihintay na sila sa pagdating ni Estrada para ihingi ng tulong ang kanyang anak.

    Bandang alas-7ng gabi, nakita sila ni Estrada habang paakyat ng entablado.

    “Humingi kami ng tulong para sa anak ko, pero hinipo lang niya sa ulo si Yan-yan tapos ay inabot sa akin yung P200,” ani ng nainsultong si Almoguera na nagsabi pang isasauli nila kay Estrada ang pera, ngunit hindi na sila nakalapit dito.

    Ayon naman kay Myra Frianilla, 43, nakatatandang kapatid ni Almoguera, naglakas-loob silang lumapit kay Estrada dahil naniniwala sila dito.

    “Sabi niya sa TV, pag may Erap, may ginhawa, naniwala naman kami, pero insulto lang pala ang aabutin namin,” ani Frianilla na napaiyak din habang nagsasalita.

    Sinabi na mula Oktubre ay nakitira na sa kanila ang kapatid mula sa San Fernando, Masbate upang makahingi ng tulong para sa maysakit na anak.

    “Nakitira muna sila amin para makipagsapalaran na mabigyan ng tulong dito sa Bulacan, dahil mahirap ang buhay sa Masbate.” Ani Frianilla at iginiit pa na kailangang isailalim si Yan-yan sa CT scan.

    Nagpahayag din sila ng pag-asa na gagaling pa ang bata kung mabibigyan ng sapat na atensiyong medikal, ngunit kailangan nila ng malaking pera.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here