German Moreno versus Vice Mayor Herbert Bautista

    531
    0
    SHARE
    Nasa limelight na namang muli si German Moreno. Ito ay dahil sa kontrobersyang namumuo sa pagitan nila ni Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista na may kaugnayan sa matagal ng pangarap ni Kuya Germs na gawing karugtong ng Quezon Cityu ang City Of Stars bilang opisyal nitong pangalan.

    Noong isang araw, sa opisina ni Vice Mayor Isko Moreno, isa sa mga naging anak-anakan ni Kuya Germs sa that’s Entertainment, kung saan ginanap ang oathtaking ng bagong pamunuan ng Philippine Movie Press Club sa pamumuno ng kaibigang Roldan F. Castro, nagpaunlak siya ng panayam.

    “Kung natatandaan n’yo, noong araw pa na konsehal si Dingdong Avanzado, sinimulan ko na ang pagkilos hinggil sa panukalang idugtong sa Quezon City ang phrase na City of Stars. Napansin ko kasi, na halos lahat ng tungkol sa entertainment ay sa Quezon City nakasentro. Hindi ba, halos lahat ng publishing houses, dito sa Quezon City. Yung mga major studios, dito rin, tapos ang mga networks kabilang na ang GMA 7 at ABS-CBN, dito rin sa Quezon City. Naisip ko, isa sigurong magandang hakbang na parangalan naman natin ang ating mga artista. Since dito sa Quezon City nakasentro ang halos lahat ng mga activities nila, isa sigurong magandang hakbang gawing City of Stars itong ating lungsod.

    “Noon pa, marami nang naniniwala sa aking hakbang. Yung mga senior stars sumuporta sa akin. May mga pulitiko sa Quezon City na tumulong sa aking naihain ito sa konseho. Nang mga panahong yun, okey naman, halos opisyal na,” sabi pa ni Kuya Germs.

    Isa raw sa mga proyekto ni Kuya Germs kaugnay ng citystarhood ng Quezon City ay ang paggawa ng Walk of Fame along Quezon Avenue papuntang Memorial Circle. Pero hindi ito natupad.

    “Sumuko na’ko, okey na sa akin, basta’ng mahalaga, ‘yung pangalan ng Quezon City ay maging Quezon City, City of Stars.

    Yun nga sa Eastwood ako napadpad. May mga tao kasing humimok sa akin na sa Eastwood ko na raw gawin yung Walk of Fame. Akala ko, susuporta sila sa gastos. Yun pala sarili ko lang, sige na okey na, naipagawa ko naman, sa bulsa ko galing ang gastos. Masaya na ako at kahit paano natupad nga yung pangarap kong maging parang Hollywood na yung mga sikat na artista ay magkaroon ng sariling Walk of Fame na puwedeng makatulong sa interes ng mga tao na dalawin ang Eastwood,” paglalahad pa ni Kuya germs.

    Ngayon nga, heto at tila nauwi pa sa samaan ng loob yung matagal ng pangarap ni Kuya Germs. Kinausap daw kasi niya si Vice Mayor Herbert Bautista hinggil sa panukala pero ang sagot nito sa kanya ay wala pa siyang panahon, hindi pa raw niya puwedeng isingit sa kanyang schedule at malamig sa panukalang gawing city of stars ang Quezon City.

    “Siyempre, sumama ang loob, ko, ikako, artista pa naman siya, iniisip ko, isang magandang hakbang ito na magaganap sa kanyang pamunuan pero ang nagnyari, siya pa itong malamig ang pagtingin sa proyekto. Parang tingin ko, ayaw na niyang ipasa ito.

    “Nakalulungkot isipin na sa mahabang panahon ng pagkilos ko, ngayon pa ito magkakaroon ng sagabal at ito ay sa itinuturing ko pa namang kaibigan na isa ring artista,” hinagpis pa ni Kuya Germs.

    Meron pa raw isang matinding pangarap si Kuya Germs na gusto niyang tuparin. Ito ay ang restoration ng Metropolitan Theater sa Plaza Lawton sa Maynila. Bago pa raw naging vice mayor si Isko Moreno, kumikilos na si Kuya Germs. Para raw sa kanya, isang historical landmark ang Metropolitan Theater na hindi dapat pabayaan lang. Kaugnay nga nito, gumawa ng mga pagkilos si Kuya Germs para matupad ang pangarap niya.

    Nakarating daw kasi sa Pang. Gloria Arroyo na kumikilos ako kaya pinatawag niya ako sa Malacañang noon. Kinausap niya ako at sabi niya, maglalabas sila ng budget para ipagawa na’ng Meropolitan Theater. Siympre, labis ko yung ikinatuwa,”sabi pa niya.

    Tinupad naman daw ni Pang. Arroyo ang pangako niya, naglabas daw ito ng P50 million pesos para sa proyekto na ipinadaan sa National Commission For Culture and Arts.

    “Mayor pa noon si DENR Secretary Lito Atienza. So bale siya’ng hahawak ng proyekto. Nabalitaan na lang namin na yung original budget, ang natira na lang ay P18 million na lang. Naglaho ang budget kaya nagsagawa kami ng imbestigasyon. Nalaman naming ibinili raw nila ng mga yero at iba pang materyles yung pera na ikinabit na sa Metropolitan Theater. Ang ipinagtataka namin, hanggang ngayon sira pa rin ito at tumutulo pa rin.

    “Kaya ngayon nga hiningi ko na ang tulong ni Mayor Fred Lim at ni Isko Moreno, ikako, pagtulungan namin para nga sa malao’t madali ay maisakatuparan na ang pagpapagawa ng Metropolitan Theater,” seryosong sabi pa ni Kuya Germs.

    Isa pang kontrobersya kamakailan ni Kuya Germs ay yung paghingi ng tawad sa kanya ni Billy Crawford. Alam naman ng lahat kung paano nagkalayo ang dating ‘mag-ama’. Nagtrabaho kasi si Billy sa ABS-CBN nang hindi siya kinukunsulta. Sa panahong iyon, si Kuya Germs bale ang tumutulong kay Billy Joe kaya sobrang nakasama ng loob sa Master Showman yung hakbang na ginawa ni Billy.

    Pero nitong Disyembre, nga, sinorpresa si Kuya Germs si Billy na dumating sa set ng kanyang Walang Tulugan at niyakap nga siya nito.

    “Wala na akong magagawa, andun na, pinatawad ko na siya. Nakakahiya naman, siya na itong pumunta, tapos ako, di na makaurong kasi tiyak ako pa’ng lalabas  na kontrabida. Isa pa, sino naman ako para hindi magpatawad. Ako talaga, lahat ng mga taong nakasamaan ko ng loob, lahat sila pinatawad ko na,” pangwakas na statement pa ani Kuya Germs.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here