Home Opinion Pagyamanin

Pagyamanin

29
0
SHARE

NASA IKAWALONG araw na ngayon ng paglalakbay ni Pope Leo XIV sa Amerika Latina. At sa bahaging ito ng kanyang paglalakbay, bumalik siya sa Peru, sa Diocese of Chiclayo, kung saan siya naging obispo mula 2015 hanggang 2023.

Alam ninyo, na-appoint siya bilang obispo ng Chiclayo mga dalawang buwan lamang bago ko tinanggap ang appointment ko bilang Obispo ng Kalookan. Kaya medyo nakaka-relate ako sa kanya.

Palagay ko, isa ito sa pinakamahalagang bahagi ng kanyang paglalakbay—ang pagbabalik sa lugar na naging tahanan niya, sa mga taong minahal niya at nagmahal sa kanya, sa diyosesis na ipinagkatiwala sa kanya ng Panginoon.

May napanood akong video ng isang Amerikanong vlogger. Parang nagseselos siya. Bakit daw mas proud pa si Pope Leo na tawaging Peruvian citizen kaysa American citizen?

Naisip ko, bakit kaya hindi na lang siya matuwa? Isang kapwa Amerikano nila ang minamahal ngayon ng mga taga-Peru, hindi dahil sa kanyang pagka-Amerikano, kundi dahil sa kanyang naging paglilingkod bilang misyonero.

Dahil misyonero talaga ang ating Santo Papa. Isang paring Agustino na naglingkod nang maraming taon sa Peru, naging Superior General ng kanyang orden, at pagkatapos ay ipinagkatiwala sa kanya ang isang diyosesis sa bansang minahal niya bilang kanyang ikalawang tahanan.

At dahil ngayong araw ay inilulunsad natin ang aklat na pinamagatang “Where the Shore Ends”, koleksyon ng mga karanasan sa mga mission station ng ating Diocese of Kalookan, magandang pagnilayan natin ang kahulugan ng misyon.

Sa Ebanghelyo natin ngayon, nagsimula ang talinghaga ni Hesus sa kuwento tungkol sa isang taong maglalakbay. Bago siya umalis, tinawag niya ang kanyang mga katiwala at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang kayamanan. May binigyan ng limang talento, may dalawa, at may isa.

Pansinin ninyo: ang simula ng misyon ay TIWALA. May ipinagkatiwala sa kanila. At ang inaasahan sa kanila ay hindi lang ingatan ang tinanggap, kundi pagyamanin ito. Iyan ang pamagat ng ating pagninilay ngayon: PAGYAMANIN.

Hindi natin mapagyayaman ang isang bagay kung hindi muna natin kinikilala na ito ay isang yaman. At iyan din ang simula ng tunay na pasasalamat. Sa tuwing nagdiriwang tayo ng Eukaristiya, nagpapasalamat tayo. Pero paano tayo makapagpa-pasalamat kung hindi natin kinikilala ang mga biyayang tinanggap natin?

Minsan kasi, mas madali nating makita ang wala kaysa sa meron. Mas napapansin natin ang kakulangan kaysa sa biyaya. Lalo na kapag ikinukumpara natin ang sarili natin sa iba.

Palagay ko, iyan ang naging problema ng pangatlong katiwala sa talinghaga. Tumanggap din naman siya. At hindi maliit ang isang talento ng ginto—malaking halaga rin iyon. Pero baka dahil ikinumpara niya ang kanyang tinanggap sa limang talento at dalawang talento ng iba, naliitan siya sa sarili niyang tinanggap.

At dahil natakot siyang mawala ito, ibinaon na lang niya sa lupa. Wala siyang ginawa. Hindi niya napagyaman ang ipinagkatiwala sa kanya.

Mga kapatid, minsan ganyan din tayo. Dahil sa tingin natin ay kakaunti lang ang mayroon tayo, hindi na natin pinahahalagahan. Tinatawag nating wala ang meron naman talaga tayo.

At iyan ang isang bagay na natutuhan ko sa ating mga mission station.

Alam naman natin na marami sa mga mission station natin ay nasa mga lugar na pinakadukha sa Caloocan, Malabon at Navotas. Pero sa tuwing dumadalaw ako sa mga mission station, lalo akong nakukumbinsi na ang yaman-yaman pala natin!

Bakit? Dahil hindi naman pera lang ang kayamanan.

Mayaman tayo sa malasakit. Mayaman tayo sa pakikipagkapwa. Mayaman tayo sa bayanihan at pagdadamayan. Mayaman tayo sa pananampalataya at sa kagandahang-loob.

Kaya sa mga mission station natin, kahit mahirap ang buhay, laging may dahilan para magdiwang. Dahil marunong tayong kumilala sa kagandahang-loob ng Diyos.

Naalala ba ninyo ang kuwento ng pagpaparami ni Hesus ng limang tinapay at dalawang isda?

Nagsimula rin iyon sa isang hamon. Maraming taong nakikinig kay Hesus. Dumidilim na at wala pa silang kinakain. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”

Ano ang sagot nila? “Paano? Wala naman tayo kundi limang tinapay at dalawang isda!”

Pansinin ninyo ang salitang wala. Wala raw sila—kundi limang tinapay at dalawang isda.

Bakit nila tinawag na wala ang meron sila? Dahil ang una nilang nakita ay ang dami ng mga taong kailangang pakainin.

Pero iba ang nakita ni Hesus. Nakita niya ang limang tinapay at dalawang isda bilang biyayang dapat ipagpasalamat at ibahagi.

Kaya ano ang ginawa niya? Kinuha niya ang tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol at ipinamahagi.

At alam natin ang nangyari. Nakakain ang lahat. May sumobra pa!

Mga kapatid, baka iyan ang isang mahalagang sekreto ng misyon: Huwag nating tatawaging wala ang meron tayo dahil lamang kakaunti ito.

Kilalanin natin. Ipagpasalamat natin. At ibahagi natin.

Dahil ang biyayang ibinabahagi ay lalong yumayaman.

At huwag nating kalilimutan: hindi naman atin ang misyon. Sugo lang tayo. Nakikibahagi tayo sa misyon ng Diyos.

Kapag pinag-uusapan natin ang pananampalataya, karaniwan ang iniisip natin ay ang pagtitiwala natin sa Diyos. Pero may isang bagay tayong madalas makalimutan: ang Diyos din ay nagtitiwala sa atin.

Kaya niya tayo tinawag. Kaya niya tayo pinagkalooban ng Espiritu Santo. Kaya niya tayo ginawang mga bahagi ng iisang Katawan ni Kristo—upang makibahagi tayo sa kanyang buhay at sa kanyang misyon.

Alam ninyo, may inimbento akong salita para sa mga kasamahan natin sa mga mission station. Sa parokya, ang tawag natin sa isa’t isa ay kaparokya. Eh, sa mission station, ano ang itatawag natin sa isa’t isa? Ang mungkahi ko: KAMISYON!

Maganda, hindi ba? Hindi lang tayo magkakasama sa isang lugar. Magkakasama tayo sa isang misyon.

Dati-rati, kapag sinabi nating misyonero, ang iniisip natin ay mga pari, madre, o obispong ipinapadala sa malalayong lugar, katulad ni Pope Leo noong naglingkod siya sa Peru.

Pero ngayon, unti-unti na nating nauunawaan ang hamon ni Pope Francis na maging isang Simbahang Sinodal—isang Simbahang sama-samang naglalakbay, sama-samang nakikilahok, at sama-samang nagmimisyon.

Hindi lang ang pari ang misyonero. Hindi lang ang obispo ang pastor o tagapaglingkod. Bawat binyagan ay may tinanggap na biyaya. Bawat isa ay may maiaambag. Bawat isa ay may misyon.

Kaya napakahalaga ng ating mga mission station. Hindi lang sila mga lugar na pinaglilingkuran ng Simbahan. Sila mismo ay mga pamayanang natututong maglingkod, magbahaginan, at magmisyon.

At sa araw na ito, habang inilulunsad natin ang koleksyon ng mga karanasan mula sa ating mga mission station, sana makita natin dito hindi lamang ang mga kuwento ng kahirapan at mga pangangailangan, kundi lalo na ang mga kuwento ng biyaya—ng mga taong natutong magpayaman sa isa’t isa sa kabila ng kanilang kakulangan.

Sa pagtatapos ng ating Ebanghelyo, sinabi ni Hesus, “Ang mayroon ay bibigyan pa, at siya’y mananagana. Ngunit ang wala, kahit ang nasa kanya ay kukunin pa.” (Teka, ano pang nasa kanya na kukunin kung “wala” nga siya?) Iyun ang punto. Hindi totoong wala siya. Meron pero minaliit niya. Hindi niya pinahalagan, at hindi rin pinagyaman.

Totoo, di na? Na kapag hindi natin pinahalagahan ang ating tinanggap, mas madali itong mawawala. At kapag hindi natin natutunang kilalanin at pagyamanin ang biyaya, unti-unti itong nawawalan ng saysay.

Kaya huwag nating maliitin ang ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon. Kilalanin natin. Pahalagahan natin. Ipagpasalamat natin. Pagyamanin natin.

At higit sa lahat, ibahagi natin—upang sa pamamagitan ng ating misyon, hindi lamang tayo ang yumaman, kundi mapayaman din natin ang buhay ng ating kapwa.

(Homiliya para sa Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon, 15 Nobyembre 2026,

Kawikaan 31:10–13, 19–20, 30–31; 1 Tesalonica 5:1–6; Mateo 25:14–30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here