Home Headlines Koreano, partner arestado sa P1.6-M extortion

Koreano, partner arestado sa P1.6-M extortion

62
0
SHARE

LUNGSOD NG ANGELES — Arestado sa aktong pangingikil umano ang isang Korean national at ang kanyang live-in partner sa ikinasang operation ng Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Cutcut dito noong Nov. 9.

Kinilala ang mga dinakip na suspek sa alyas na Jin, 47 anyos, at ang kanyang kinasama na si alyas Lyn, 31 anyos, na kapwa nahaharap sa kasong robbery-extortion na may kaugnayan sa Article 315 ng Revised Penal Code o Estafa.

Inaresto ang dalawa matapos positibong tanggapin mula sa bikitma ang hinihinging P1.6 million kapalit ang pagpapalaya sa apat na Korean national na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa ulat, naaresto ang apat na Koreano noong September 2026 sa bisa ng Red Notice at ikinulong sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Nitong Oktubre, nakipag-ugnayan umano si “Jin” sa mga kaibigan ng mga detinadong Koreano at nangakong ipoproseso umano ang pagpapalaya sa mga ito gamit diumano ang kanyang mga koneksyon.

Humingi si alyas “Jin” ng kabuuang P4,000,000 para sa diumano’y piyansa, processing fees, at iba pang gastusin na agad namang binayaran ng mga kaibigan ng mga nakadetine pero nanatili pa ring nakakulong ang apat na Koreano sa BI.

Kamakailan lamang ay muling humingi ang suspek ng karagdagang P1,600,000 (o P400,000 bawat isa) para umano sa pinal na pagpapalaya sa mga detenido, dahilan upang magpasaklolo na ang complainant sa CIDG at ikinasa na ang operasyon.

“Hindi dapat nagiging negosyo ang pangakong may kakilala sa loob o kayang mapabilis ang isang government process kapalit ng pera. May tamang proseso tayong sinusunod, at walang sinuman ang dapat manamantala sa mga taong umaasa ng tulong,” pahayag ni Philippine National Police chief Jose Melencio C. Nartatez Jr. “We encourage the public to verify these claims and report suspicious arrangements to the authorities.” PNP-CIDG/Punto News Team 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here