Ebidensya, tetestigo isinumite na sa preliminary sa kaso ni Palparan

    68
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS — Isinumite na ng depensa at prosekusyon ang mga gagamiting ebidensya at mga testigo para sa kasong kinakaharap ni AFP Ret. M/Gen. Jovito Palparan, Jr. na Kidnapping with Serious Illegal Detention ng dalawang UP students na sina Shierlyn Cadapan at Karen Empeño.

    Sa harapan ng Clerk of Court ng Branch 14 ng Bulacan RTC ay ipinrisinta ng magkabilang panig ang listahan ng tetestigo at mga ebidensya. Hindi na iniharap si Palparan kanina sa korte at pawang mga abugado na lamang ng magkabilang panig ang nagprisinta ng mga gagamitin sa hukuman.

    Nagprisinta ng halos anim na pulgada na kapal ng dokumento ang prosekusyon habang halos isang pulgada na kapal ng dokumento naman ang depensa. Nasa inisyal na 15 eyewitnesses ang ihaharap ng prosekusyon at posibleng tumaas pa daw ito sa kahabaan ng paglilitis ng naturang kaso.

    Ayon sa prosekusyon, makailang beses nang sumalang sa hukuman ang mga testigo nila laban kay Palparan na mismong nakakita at nakatikim din ng pag-torture nito. Si Palparan daw ang alyas “Lolo” sa serye ng pagdukot noong panahong bago ito magretiro sa AFP kung saan kasama sa nawala ay ang dalawang UP students.

    Habang gagamitin din naman daw ng kampo ni Palparan bilang hostile witnesses ang mga testigo ng prosekusyon dahil para sa kanila pawang nagsisinungaling lamang daw ang mga ito. Ayon sa mga abugado ni Palparan, kasama sa kanilang ebidensya ang salary grade 28 ni Palparan bilang isang aktibo sa hanay ng military kung kailan ang alegasyon na nawala ang dalawang estudyante.

    Hindi daw dapat maharap sa kasong kidnapping si Palparan bilang isang nasa active military service sa panahong ibinibintang na nawala sina Cadapan at Empeño. Ito rin naman daw ang kanilang ebidensya sa Motion to Quash na inihain sa Court of Appeals upang ipawalang bisa ang kaso laban kay Palparan.

    Bilang nasa active military service noon ay dapat daw na sa Sandigangbayan didinggin ang kaso ni Palparan at hindi sa Regional Trial Court. Ayon naman kay Atty. Maria Kristina Conti, private prosecutor, hindi maaring gamiting depensa ni Palparan ang salary grade 28 nito dahil ang kasong Kidnapping with Serious Illegal Detention ay labas sa pagiging military service nito at isinampa laban sa kanya bilang isang private individual.

    Samantala sa darating na ika-24 ng Nobyembre ikinasa ang pre-trial sa kaso ng dating AFP general.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here