Home Headlines Bahay at resort ng newsman ni-raid ng pulis

Bahay at resort ng newsman ni-raid ng pulis

2440
0
SHARE

Ang mamamahayag na si Orlan Mauricio ng Metro News habang kinakapanayam ng Punto! pagkatapos ng pagsisilbi sa kanila ng search warrant. Kuha ni Rommel Ramos



LUNGSOD NG MALOLOS — Pinasok ng kapulisan
nitong Miyerkules ang bahay at resort ng isang mamamahayag sa Felicisima Village, Barangay Mojondito pero nagnegatibo sa pakay na baril.

Bitbit ang search warrant na inilabas ni Presiding Judge Nemesio Manlangit ng Municipal Trial Court in Cities Branch II Malolos City, hinalughog ng Bulacan police intelligence unit ang bahay at resort ni Orlan Mauricio ng Metro News.

Ang mga operatiba habang hinahalughog ang kabahayan ni Mauricio. (Larawan mula kay Orlan Mauricio)

Ang pakay sa search warrant ay ang 9mm pistol at mga bala na pag-aari umano ng anak ni Mauricio na si Oliver Paul Mauricio na nasa kwarto nito.

Ayon sa nakatatandang Mauricio, bigla na lamang pumasok ang mga armadong pulis sa kanyang bahay at agad silang tinutukan ng baril kasama ang kanyang asawa, anak at isang apo.

Hinanapan ani Mauricio ang mga pulis ng search warrant dahil nagsimula nang maghalughog sa kanilang bahay ang mga ito ngunit patuloy ang pagpapatahimik sa kanya at tinutukan pa siya ng baril.

Pasado alas-7 na ng gabi nang dumating ang kopya ng search warrant ngunit bago pa man ito dumating ay dalawang oras nang naghahalughog ang mga pulis sa kaniyang tahanan.

Ikinulong daw sila ng kanyang pamilya sa kusina na hawak ng mga pulis ang baril habang naghahalughog ang mga ito sa kanyang bahay at sa resort.

Ang mga stuffed toys ng kanyang anak na babae ay binusisi daw ng mga operatiba dahil anilay doon karaniwang itinatago ang mga droga.

Aniya, baril ang pakay sa search warrant pero naghahanap na ng droga ang mga pulis sa kanyang bahay.

Nang walang mahanap malaunan sa pakay na baril ay umalis na ang mga ito at sinabing ginawa lamang nila ang trabaho nila.

Sa inventory ng pulis ay walang nakitang baril at mga bala maliban sa used foil, gunting, lighter at burner na nakita daw sa bahay ni Mauricio.

Ngunit reklamo ni Mauricio, naniniwala siyang media harassment ang nangyari at magsasampa siya ng reklamo sa tanggapan ng NBI.

“Hindi pagsisilbi ng search warrant ang ginawa nila kundi isang raid dahil wala pa silang pinapakitang dokumento ay pinasok na nila ang bahay at resort ko na mga armado sila ng baril.” ani Mauricio.

Aniya, bukod sa pananakot ay nawalan din ng mga personal na gamit ang kanyang pamilya gaya ng relo, cell phone, vape battery, wifi, P700 cash, at flashlight.

Naniniwala siyang mayroong maimpluwensyang tao na nasa likod nito na tinamaan sa kanyang ginagawang pambabatikos bilang mamamahayag.

Ayon naman kay Bulacan police director Col. Lawrence Cajipe, hindi gagawin ng kapulisan ang mga alegasyon ni Mauricio.

Lalo aniyang hindi kukuha ng mga personal na kasangkapan ang pulis sa pagsisilbi ng search warrant.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here