Ang ibig bang sabihin ng EPAL, mga MAKAKAPAL?

    168
    0
    SHARE

    Kung bawal talaga itong paglalagay
    Ng posters ‘in forms of ads’ at ibang bagay
    Na tumutukoy sa isang indibidual
    Sa paraang ala pagbati ang pakay

    Ng nasasaad sa billboard halimbawa,
    Streamer o anong ipinalathala
    Sa isang peryodiko at ang mababasa:
    “Masayang Pista” o dili naman kaya

    ‘Congratulations’ para sa magtatapos
    Ng high school, college o anong natapos
    Na kurso, at iba pang klaseng pa-utot,
    Ano’t ang ganito ay napapalusot?

    Gayong ang naturan ay maituturing
    Ng ‘campaign materials’ kung paka-tuusin
    At d’yan maliwanag na ‘electioneering’
    Ang kasong maari nilang kaharapin

    Pero ano nga ba’t yan ay patuloy na
    Nagagawa’t parang hindi alintana
    Ng marami gayong ya’y labag talaga
    Sa Omnibus Code ng Comelec sa tuwina?

    O ang Comelec ay sadyang walang ngipin
    Upang ang ‘malpractice’ at maling gawain
    Ng di sumusunod sa alituntunin
    Ay makaya nitong yan ay kastiguhin?

    Kundi man posibleng inutil kumbaga
    Ang Comelec kaya ang ganyang sistema
    Ay nanatiling ‘practice’ nitong iba.
    Kahit batid nilang ya’y bawal talaga.

    Napakaliwanag na ‘campaign material’
    Itong makikita sa kung saan-saan;
    Tama’t di tuwirang sabi ay ihalal
    Si sir bilang Mayor at/o Kinatawan

    Ay ‘1st City Mayor’ itong nakasulat
    Kabuntot ng pangalan n’yan sa itaas;
    O ‘Cong’ kung ang target nito’y Mambabatas,
    Kaya ‘premature campaigning’ matatawag.

    Kahit pa ma’t walang katagang IBOTO,
    VOTE o IHALAL ang ‘subject person’ nito,
    Sa may unahan ng pangalan n’yan mismo,
    Yan ay ‘campaign posters’ na ng kandidato.

    Kung kaya hindi pa man nga ‘campaign period’
    Ay malaking kuwarta na riyan ang nagastos
    Ng mga ‘aspirants’ na nagsipagkilos
    Ng maaga kaysa marapat masunod.

    Kaya puno’t dulo ay ‘overspending’
    Ang kalalabasan ng mga gastusin
    Ng halos lahat ng kandidato natin,
    Bago pa sumapit ang halalan mandin.

    Dulot n’yan ano ang posibleng asahan
    Kundi ng ‘corruption’ at ibang illegal
    Na ‘practices’ para mabawing lahat n’yan
    Ang nagasta kapag sinuwerte sa laban/

    Ano’t ang Comelec ay di mapaigting
    Ang batas laban sa ‘premature campaigning,’
    Gayong ito naman ay napakadaling
    Ipatupad base sa talagang ‘ruling’.

    Upang itong batid na’t lahat ay Epal
    Ang kagaya nitong sistemang naturan,
    Ay di na pamuling isasagawa n’yan
    Ang anumang bagay na talagang bawal.

    At ang batas hinggil sa premature campaign,
    Gaya nitong tawag ay ‘electioneering’
    Ay maipatupad n’yan ng buong giting
    Laban sa pasaway na opisyal natin!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here