ACTIV CHARCOAL STOVE
    Tugon sa tumataas na presyo ng LPG

    661
    0
    SHARE

    MALOLOS—Iniinda mo na ang mataas na presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at iba pang panggatong sa pagluluto?

    Huwag mabahala sapagkat nandito ang imbensyon ng isang Bulakenyo na makatutulong dahi ito ay matipid sa panggatong. Ito ay ang Activ Charcoal Stove (ACS) na imbensyon ni Oscar Caluag, 64, na nagmula sa lungsod na ito.

    Ang naimbentong kalan ni Caluag ay may kakayahang magluto hanggang dalawang kilong bigas, kasunod ay isang kilong karne na may sabaw at makapagpainit ng higit sa dalawang litrong tubig na ang gamit lamang ay 300 hanggang 400 gramo ng uling.

    Ang kakahayang ito ng ACS, ayon imbentor ay malaking katipiran para sa mga nagsisipagluto, dahil ang 200 gramo ng uling ay nagakakahalaga lamang halos ng P5.

    “Mas maa-appreciate mo ang Activ Charcoal Stove kung emergency, halimbawa nagluluto ka sa gasul at naubusan ka ng gasul,” sabi ni Caluag at dinagdag na upang makapagpatuloy  ng pagluluto ay kakailanganin ng nagluluto ng P400 hanggang P900 para makabili ng bagong tangke ng gasul.

    Ngunit kung ACS ang amit, kahit P5 lang ang pera  sa bulsa ay tiyak na makakabili ng uling sa nasabing halaga upang ipagpatuloy ang pagluluto. Ipinagmalaki ni Caluag ang pagiging matipid sa uling ng kanyang naimbentong kalan dahil sa ito ay may mga control sa dinadaluyan ng hangin.

    “Pag malakas na ang baga o kaya ay kapag kumukulo na ang iyong niluluto, pwede mo nang hinaan ang baga sa pamamagitan ng pagpapaliit sa daluyan ng hangin,” paliwanag ng imbentor at idinagdag na kapag mahina ang pasok ng hangin sa kalan, babagal ang pagkaubos ng uling na may sindi at mas marami ang maluluto.

    Ang konsepto ng ACS ay unang natutunan ni Caluag sa kanyang science class noong siya ay nasa high school pa lamang. “Simple lang ang principle ng combustion, mas mabilis masunog ang isang bagay kapag malakas ang hangin, kaya sa ACS, nilagyan ko ng control sa daluyan ng hangin upang makatipid sa gamit na paggatong na uling.

    Nagsimulang pag-aralan ni Caluag ang pagbuo sa kanyang imbensyon ng makakita siya ng kalan na ginagatungan ng uling na may fan o maliit na bentilador upang mapabilis ang pagkasunog ng uling at upang mapataas ang init ng baga nito.

    Ngunit ayon kay Caluag, mapapabilis din ang pagkaubos ng uling sa nasabing kalan, samantalang halos pareho din ang init nito. Ipinaliwanag pa niya na ang kapag kumulo na an gang niluluto, pwede itong panatilihing kumukulo, pero mahina lamang ang apoy o baga.

    “Nung makita ko yung kalan na may bentilador, naisip ko na kaya ko ring gumawa noon, pero nakita ko na dapat ay walang external aid tulad ng bentilador, saka dapat madaling linisin,” ani Caluag at binanggit na ang abo mula sa kalan na may bentilador ay naitutulak pataas kaya’t lumalabas ito sa kalan at kumakalat sa paligid nito.

    “Medyo marumi ang dating, kaya naisip ko dapat malinis at madaling linisin,” ani Caluag na nagtrabaho ng mahigit 10 taon sa ibayong dagat bilang isang biomedical engineer kung saan nakita niya ang pagiging malinis nito.

    Ayon kay Caluag, matagal nang nabuo sa kanyang isipan ang konsepto ng kanyang imbensyon, ngunit natagalan siya na makakita ng mga akmang materyales. Minsan ay dumalo siya sa isang trade fair kung saan ay ipinakita ang ibat-ibang kagamitang pangkusina.

    Isa sa nakatawag pansin niya ay ang ibat-ibang sukat ng mixing bowl o malulukong na palangganita.

    Pinagmasdan niya ang mga ito ay doon niya naisip na magagamit niya ito sa kanyang nabuong konsepto para sa imbesyon. Kumuha siya ang dalawang magkasing laking mixing bowl at binutasan ang isa na ipinatong sa ibabaw nito.

    Pagkatapos ay nilagyan niya ng stainless na chimney sa ibabaw upang duon ilagay ang uling na sisindihan.

    Ang nasabing chimney ay nagkontrol din ng direksyon ng init ng baga. Dahil ang chimney ay direktang nasa ilalim ng kalderong isasalang, makakamit ang ACS kahit sa labas ng bahay kung saan ay malakas ang hangin.

    Pagkatapos ay bumuo siya ng frame upang magkaroon ng kontrol sa daluyan ng hangin at ng sa gayon ay makontrol ang pagkasunog ng baga at init nito. Ang nasabi ding frame ang nagsisilbing paa ng ACS.

    Ikinabit niya sa frame ang dalawang mixing bowl at ang nasa ibabaw nito ay kinabitan niya ng lever upang mapihit pataas at pababa. Kapag ang level ay ibinaba, magdidikit ang dalawang mixing bowl at magsasara ang daluyan ng hanging sa ilalim ng nakapatong na bowl.

    Kapag naman itinaas ang lever, mas maraming hangin ang papasok pagitan ng dalawang mixing bowl na mahihigop ng init ng baga na nakapatong sa nasa ibabaw na mixing bowl. Ayon kay Caluag, kahit sarado ang daluyan ng hangin sa ilalim ng nasa ibabaw na mixing bowl, magpapatuloy ng may sindi ang baga dahil ang hangin ay magmumula sa ibabaw ng kalan.

    Ito ang isa sa mga dahilan upang higit na makatipid sa uling. Sa kasalukyan, higit na napagaganda ni Caluag ang disenyo ng kanyang imbensyon. Ito ang paglalagay ng cast iron na salalayan ng uling o baga na kayang matagalan ang init na umaabot sa 900 degrees celsius.

    Dahil dito tiniyak ni Caluag na mas magtatagal ang paggamit sa kanyang imbensyon. Ang bawat isang ACS nagkakahalaga ng P2,000 at ito ay mabibili sa Dynabilt Hardware na pag-aari ng pamilya ni Caluag at matatagpuan sa Barangay Bagna sa lungsod na ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here