1.
Naging kontrobersiyal ngayon ang Meralco
na sa social media kinondena mismo
ng mga consumer na nagrereklamo
sa dagdag singil na ipinataw nito
dahil natuklasan sa mga resibo
mga pass through charges na di makatao
2.
Diumano ito ay na naka-itemized
na sa electric bill nila nakalahad
subalit ang siste ay hindi matanggap
ng mamamayan ang karagdagang bayad
e sino ba naman ang di mababanas
sa narinig nilang mga paliwanag
3.
Lifeline rate subsidy program diumano
na pinatutupad ng ating gobyerno
ang dagdag singil na pahirap sa tao
sa pamahalaan daw dumidiretso
di raw napupunta doon sa Meralco
at sila ay walang pakinabang dito
4.
Ito ay tulong daw ng pamahalaan
para sa mahirap nating kababayan
diskwento sa senior at sa mamamayan
na nasa laylayan ng ating lipunan
ang mga Middle class eh kumusta naman?
na hindi rin sapat yaong kabuhayan
5.
Sa paliwanag ay maraming umalma
hindi matanggap ang ganitong sistema
bakit sa middle class kailangang iasa
upang isulong ang kanilang programa
gobyerno dapat ang magbigay suporta
di mamamayan ang kailangang magdusa
6.
Kooperatiba pala’y kasali rin
sa ipinataw na dagdag na bayarin
pati na system loss sa’tin sisingilin
na dumadagdag pa sa ating pasanin
ngayong pumutok ang ganitong usapin
ang gobyerno ano kaya ang gagawin?
7.
Sa mga proyekto ng pamahalaan
di ba lahat dapat ay makikinabang?
walang taong dapat na maapektuhan
upang ang layunin nila’y matugunan
ang ganitong uri ng pamamaraan
ng ating gobyerno’y di makatarungan



