1.
Sa impeachment trial ngayong nagaganap sa senado
magkaiba sa pananaw ang maraming Pilipino
prosecutor, defense lawyer sa tagisan ng talino
sa balitaktakan nila’y walang ibig magpatalo
mayrong gustong mapatalsik ang pangalawang pangulo
gano’n din ang nagnanais na ito ay maabswelto
2.
May mga nagdududa na ilan sa mga senador
sa inaakusahan daw ay tila may pumapabor
imbes na pag-aralan ang mga naging akusasyon
mayrong panig sa depensa at maging sa prosecution
ang papel ng bawat isa sa
kanila’y di ba hukom?
na susuri kung ano ang nararapat na ihatol
3.
Di ba dapat ay tuklasin kung mayrong katotohanan?
mga kasong inihain at matamang pag-aralan
kung talagang ang VP ay nagkasala sa’ting bayan
dapat lahat magkaisa na ito ay mahatulan
at kung di naman totoo’t walang sapat na basehan
aykailangan din naman na ito ay patunayan
4.
Ang pagiging matapat sa kinaanibang partido
hanggang ngayon umiiral pa rin sa panahong ito
sa Tejeros Convention nga nangyari na diumano
ang hidwaan sa pagitan ng Magdiwang at Magdalo
sa tala ng kasaysayan ay naganap ang ganito
na kumitil sa buhay ng mag-utol na Bonifacio
5.
Ang mpeachment proceedings ay may mga alituntunin
na naaayon sa batas na kailangan nilang sundin
di pwede ang haka-haka ito’y maselang usapin
lalo na kung matibay ang ebidensiyang inihain
kung may utang na loob man sa sino mang uusigin
ang ganitong sistema ay hindi dapat pairalin
6.
Dahil di lang Pilipino ang dito ay nakamasid
kundi ang lahat ng bansa sa ibabaw ng daigdig
at sa kasalukuyan ay mayrong political crisis
na nagdudulot sa ngayon ng pangamba at ligalig
ang katotohanan lamang ang siyang dapat na manaig
sa panig ng nagtatanggol at ng mga taga-usig
7.
Sana’y hindi lang impeachment ang pagtuunan ng pansin
nitong mga senador at pulitiko dito sa’tin
mga sangkot sa flood control nararapat ding usigin
pagsisibakin sa pwesto’t sa kulungan ay bulukin
ang ganyang uri ng tao’y pahirap sa bansa natin
dinaig pa ang demonyo sa masasamang gawain



