Bawat lalawigan dito sa’ting bansa
ay mayro’ng sariling gamit na salita
Mula sa Mindanao, Luzon at Bisaya
may nakamulatan silang inang wika
Sa gawing hilaga ganon din sa timog
ang mga probinsiya na magkakanugnog
sariling salita’y hindi nililimot
kahit bihasa na sa pananagalog
Ang asignaturang MTB – MLE
ay balak na ngayong ito’y isantabi
umaangal ngayon ang nakararami
dahil ayaw nila na ito’y mangyari
Ang mga makata’t mga manunulat
ang siyang nangunguna na sumasalungat
para sa kanila hindi nararapat
ang hakbang o plano na ito’y mabuwag
Nang tayo’y sakupin ng mga kastila
tinuro man sa’tin ang kanilang wika
subalit tayo ay binigyan ng laya
mangusap sa ating sariling salita
Ang paring kastilang si Diego Bergano
ay gumawa pa nga ng bokabularyo
pinag-aralan ang wikang Pilipino
Bisaya, Tagalog English at Pampango
Bakit naisip na ito ay alisin
sa pag-aaral ay hindi naman sagwil
mayron kaming wika na dapat wikain
kultura’t tradisyon na sariling amin
Ang aming wika ay dapat pag-aralan
tulad ng dati sa mga paaralan
upang matanim sa murang kaisipan
ang aming wika sa mga kabataan
Wika’y bahagi ng kultura’t tradisyon
na kinagisnan sa nagdaang panahon
ipinagkaloob ng Diyos sa’tin noon
ng wasakin niya ang tore ng Babylon
Mayrong salita ang bawat lalawigan
tanda ng kanilang pagkakakilanlan
ito’y nakatala na sa kasaysayan
na kinikilala ng ating lipunan
Aming inang wika wag ninyong patayin
sapagkat ito ay minana pa namin
sa aming ninunong nagturo sa amin
ng wika na dapat naming salitain
Oo at tagalog ang pambansang wika
ginagamit naman sa pagsasalita
ng lahat tao dito sa’ting bansa
at di nanganganib na ito’y mawala
Di tulad ng aming wikang kinagisnan
nanganganib itong lamunin na lamang
ng wikang tagalog pagdating ng araw
pati salita sa ibang lalawigan
Ang dapat tutukan ng gobyerno ngayon
o dapat bigyan ng sapat na atensiyon
ay itong tuition fee na hindi makontrol
sa sobrang pagtaas nito taon-taon