
OBANDO, Bulacan — Inilikas ang 67 pamilya o 200 indibidwal mula sa mga barangay San Rafael at Salambao na bahagi ng coastal area dito matapos na mahirapang huminga nang abutin ng nakakasulasok na usok mula sa nasusunog na sanitary landfill ng Navotas.
Sabado ng gabi nang magsimulang ilikas ng Obando MDRRMO ang mga residente na nakararanas ng pagsisikip ng dibdib, hirap na paghinga, sakit ng ulo at pagkahilo dahil sa makapal na usok mula sa basurahan.
Sa kasalukuyan ay nasa Obando National High School evacuation center na ang mga ito at hindi muna babalik sa kanilang mga tahanan hanggat hindi humuhupa ang makapal na usok.
Ang mga evacuees ay binigyan ng medical attention ng Obando LGU at nagtungo din doon ang Navotas health office para tumulong. Tumulong din sa mga gamot at facemask ang pamahalaan ng Navotas para sa mga apektado.
Ayon may Dr. Sherwin Gonzaga, rural health unit medical officer, maayos naman ang kalagayan ng mga evacuees at nabigyan na rin sila ng mga karampatang lunas at marami daw sa mga ito ang may sakit sa puso at nakararanas ng hika.
Ayon naman sa residenteng si Rosalie Tyson, nakakasulasok ang amoy na nagmumula sa nasusunog na landfill kaya nahirapan silang huminga, nagsikip ang dibdib at nahilo kaya lumikas na sila.


