5K jobs sa planong IT hub

    387
    0
    SHARE

    CABANATUAN CITY – Hindi kukulangin sa 5,000 posisyon sa trabaho ang tinatayang malilikha ng information technology hub na planong itayo sa nasasakupan ng kabuuan ng lumang Kapitolyo ng Nueva Ecija sa lungsod na ito ng pamahalaang panlalawigan at isang pribadong kumpanya.

    Ayon sa provincial trade and industry office (PTIO), ang mga Novo Ecijano ay inaasahang makikinabang sa paglago ng IT at business process outsourcing dahil sa kanilang husay sa pagsasalita ng Ingles, lalo pa’t may pagsasanay na itinataguyod si Gov. Aurelio Umali.

    Ayon kay Jose Balite III, nanunungkulang hepe ng PTIO, ang Nueva Ecija ay may katangi-tanging panghikayat sa mga kumpanyang IT, hindi lamang sa Metro Manila kundi mula sa ibayong dagat. Binigyang-diin niya na maraming kumpanya ngayon ang mas nagtutungo sa mga lalawigan kung saan mas simple ang antas ng pamumuhay.

    “With the IT hub, Novo Ecijanos will benefit immensely and as much as 5,000 jobs will be made available to our provincemates,” ayon kay Balite.

    Kamakailan, ang  Antheros Corporation (AC), isang negosyong nakabase sa Muntinlupa City  ay nagsumite ng panukala kay Umali para sa pagtatayo ng isang  “Nueva Ecija Core Business Hub.”

    Inindorso naman ni Umali ang panukala kay  Vice Gov. Jose Gay Padiernos at  sangguniang panlalawigan na nagbigay sa kanya ng otoridad na makipag-usap sa AC.

    Ang naturang proyekto ay batay sa public-private partnership program na isinusulong ni Pangulong Aquino.

    Sinabi ni Balite na ang kumpanya ay naglalayong makipag-joint venture sa Nueva Ecija provincial government (NEPG) upang pagyamanin ang  6.8  ektaryang lupain na nasasakupan ng lumang Kapitolyo. Tatagal ng 25 taon ang kontrata, batay sa panukala.

    Sinabi ni  Basilio Rodriguez Jr., presidente ng Antheros , na ang kanyang grupo ay interesadong maglaan ng paunang puhunan na P206.4 million o katumbas ng  75 porsiyento o P68.6 milyon ng kabuuang puhunan na kailangan para sa  site development ng Phase 1 at pagtatayo ng kinakailangang pasilidad. Ang nalalabing 25 porsiyento ay sasagutin ng NEPG.

    Nais ng grupo ni Rodruguez na magtayo ng modernong gusali para sa BPO, call center, conference center, exhibition hall, business hotel, medium-rise condominium, shopping at entertainment, at mga pasilidad para sa turista, gaya ng restoran.

    Ang NEPG at tatanggap ng P5.37 milyon bawat taon bilang upa sa gusali na tatayuan ng mga opisina.

    Ayon pa kay Rodriguez, ang sukat ng bakuran ng lumang Kapitolyo na nasa sentro ng lungsod na ito ay nagbibigay sa pamahalaang panlalawigan ng katangi-tanging pagkakataon upang  mapag-ibayo ang kaunlaran ng lungsod at lalawigan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here