4 na dekadang hugot

    540
    0
    SHARE
    NAGLIPANA NGAYON sa internet ang tinatawag na “Jollifeels” o serye ng mga patalastas na tanging itinakda para sa Araw ng mga Puso.

    Dahil sa ang tema ng serye ay ang kawagasan ng pag-ibig, sa kabila ng di pagkakatuluyan sa harap ng altar, o sa maagang pagkuha ni kamatayan sa kasing-irog, sari-saring bansag ang ipinangalanan dito, tulad ng Bida ang Sawi, Biyak Puso, Laglag Luha, atbpa.

    Ako mismo ay hindi nakapagpigil sa pagtulo ng aking luha sa Almusal at Date.

    Subali’t gaano man katindi ang tama sa puso at timo sa damdamin ng Jollifeels, wala pa rin sila sa kuwento ng isang katoto sa pinagpatnugutang lathalain sa kolehiyo noong dekada ’70, ang Regina ng noo’y Assumption College sa noo’y bayan ng San Fernando.

    Inirog, dinakila’t sinamba ng aming makata ang isa sa aming mga manunulat ng balita. Subali’t kung gaano kadaling magtahi-tahi ng binukayong berso’t ugoy ng rima, gayun naman kahirap nitong isabibig ang nagpupuyos na pagmamahal, ang alab ng pag-ibig sa kanyang sinisinta.

    Tila baga’y sapat na’ng siya’y mabanaagan man lamang ng sulyap, at langit na mismo ang kanyang narating. Kaya hayun, ang pahaging hangin ay sa kawalan din nauwi.

    Ang mga landas ay tuluyan nang nagkahiwalayan sa pagtatapos ng pag-aaral.

    Apatnapu’t-dalawang taon eksakto ang lumipas nang muling magkatagpo-tagpo ang aming mga landas sa pagbabalikbayan ng pinakamamahal naming ina sa Regina, ang ngayo’y Ginang June V. Whitmer.

    At sa ating makata, ang muling pananariwa ng naunsyaming pagmamahal na kinipkip sa kanyang puso sa loob ng apat na dekada; ang larawan ng inirog at sininta hanggang ngayo’y laman pa rin ng kanyang pitaka.

    Ito ang kanyang hugot sa kanilang muling pagkikita nitong ika-8 ng Pebrero:

    Tibok ng puso ko, ay di magkamayaw
    Ang pangungulila, tuluyang naparam
    Nawalay na hirang, muling magtitipan
    Kaba ay nadama, gayon-gayun na lang.
    Tanong sa sarili, hitsura’y ano na?
    Di pa nagbabago, ang dating ganda n’ya?
    Ang para sa akin, di na mahalaga
    Ang magkita kami, akin nang ligaya.
    Bawal mang isipin, asawa’y mayron na
    Ang aming tadhana, di sa isa’t-isa
    Naputol na lubid, bubuklurin pa ba?
    Maaaring ‘sang araw, maging alaala.
    Habang pumapasok, ay lalong ninerbyos
    Nandyan na kaya, ang irog kong si B…ts
    Aking naririnig, halakhak sa loob
    Pamilyar na boses, sa ‘ki’y nagpakabog.
    Subali’t naglaho, nang aking makita
    Kanya ay kaakbay, mahal na asawa
    Di ko na pinansin, nabaling sa iba
    Kirot sa puso ko, para lang mawala.
    Lihim na pagsulyap, ang aking ginawad
    Ni harapin siya’y, di ko na hinangad
    Ba’t pa isinama, ang kanyang kabiyak
    Di man malapitan, di man makausap.
    Kusa s’yang lumapit, ako’y kinausap
    Ang pag-aalangan, di pa rin mabawas
    Gusto mang magtanong, ay di naganap
    May pader sa gitna, gusto kong mabuwag.
    Ang mga pasaring, sa aming dalawa
    Sa aking kalooban, ay nagpapasaya
    Dating kalungkutan, ang palit ay tuwa
    At sa bandang huli, ay pansamantala.
    Matuling lumipas, ang mga minuto
    Ang pamamaalam, ng bawat katoto
    Minsan pa’y nadama, ang pagkasiphayo
    Aking ginigiliw, kailan magtatagpo?
    Nang s’yay nagpaalam, di ko na tiningnan
    Baka mabakas n’ya, aking kalungkutan
    Palad n’yay yumapos, sa ‘king mga kamay
    Pumawi sa hapis, sa kanyang paglisan.
    Kailan magkikita, ‘yan di ko pa alam
    Di ko pa rin alam, ang mararamdaman
    Kung gaya ng dati, sana’y huwag na lang
    Salang ituturing, sa asawang mahal.

    Ah, sa lalim ng hugot ng aking kaibigan, aking nasambit lang: Sa wagas na pagmamahal, walang sala, walang bawal. Gan’un pa man, di ko napigil “mag-poesyang” Kapampangan:

    Apat nang decada
    Mepuput a sinta
    Misapuac, misalbag,
    Meualang alaga.
    Taram ning nasa man
    Qng berso ning poeta
    Culang yang pamutut
    Qng bucnul ning lugud
    Tali cang ‘urelia

    – Ning mal nang asawa.




    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here