Home Headlines 3 bahay tangay sa landslide

3 bahay tangay sa landslide

575
0
SHARE
Ang bahagi ng dike na nagkaron ng landslide at natangay ang tatlong bahay. Kuha ni Rommel Ramos

PLARIDEL, Bulacan — Kasamang bumagsak ang tatlong bahay sa pagguho ng lupa sa gilid ng dike sa bahagi ng Barangay Parulan dahil sa mga malalakas na pag-ulan.

Ayon sa mga residenteng sina Jomarie Salvador at Julius Carlo Cavianosa, hapon nitong Linggo nang maramdaman nila na gumuguho na ang lupa sa ilalim ng kanilang inuupahang apartment.

Agad silang tumakbo papalabas ng bahay para hindi makasama sa pagguho ng lupa. Ani Salvador, tinangka pa niyang isalba ang ilang kagamitan pero bigla nang bumagsak ang kanyang bahay sa ilog.

Kasunod noon ay unti-unti na ring bumagsak ang inuupahang bahay ni Cavianosa.

Ang isa pa nilang katabing bahay ay bumagsak na rin at halos wala nang natira.

Ang ibang bahay naman na hindi kasamang gumuho ay makikitang may mga bitak na rin ang pader hanggang sa sahig na semento.

Dahil dito ay nagsilikas na rin ang anim pang residente sa katabing mga bahay dahil sa takot na tuluyan nang gumuho anumang oras ang bahaging ito ng dike.

Anila, nagpunta na doon ang pamahalaang barangay ng Parulan at inalam ang kanilang sitwasyon.

Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here