Home Headlines Tapatan kay EdPam

Tapatan kay EdPam

709
0
SHARE
Tapatan kay EdPam

SA PAGDIRIWANG ng ika-75 taon ng kanyang kapanganakan sa Pebrero 23, ating alay ang isang balik-tanaw sa panununungkulan ni Edgardo Pamintuan bilang punonglungsod ng Angeles.

TUNAY NA malaman, hitik sa kaalaman at aral, nakakapagpaalab ng damdamin bilang Angeleno – yaon bang tinatawag na pride of place – ang Ulat sa Bayan 2014: Katuparan ng mga Pangako o state of the city address ng pinagpipitagang punonglungsod Edgardo Pamintuan.

Sa pagkabighani ko sa kanyang SOCA, una kong binalak na ilimbag dito ang kabuuan nito. Ang limitadong espasyo ng dyaryo ang nagdikta na rin na sipi na lamang ng SOCA (naka-italicized), partikular ang mga talatang tumimo sa aking kaisipan at minamarapat kong kinakailangang maipahatid sa mga mamamayan ng kalunsuran, ang akin na lamang itatalastas sa pitak na ito. At bibigyan ng aking pansariling pananaw at pagpapahalaga.

At dahil sa ipinagdiriwang sa Agosto ang Buwan ng Wika, minabuti kong isulat na rin ito sa Pilipino, na siya rin namang salitang ginamit ni EdPam sa kanyang SOCA.

Ibinigay po ninyo sa akin ang inyong tiwala, at kaagad akong tumalima upang tuparin ang aking mga ipinangako na nakasaad sa…Kontrata sa mga Angeleno

Konkretong saksi ng tapat na pagtalima sa kautusan ng mga mamamayan, bilang sukli sa kanilang tiwala, ang patuloy na paglaki ng City College of Angeles, ang higit pang pagpapalawak ng mga paglilingkod pangkalusugan ng Ospital ning Angeles o Rafael Lazatin Medical Center, sampu ng mga gawaing pangkabuhayan, pangkalikasan, at iba pang tuwirang nakatutok sa higit na pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga Angeleno, na dili’t iba’y siya na mismong buod at ubod ng nasabing Kontrata sa mga Angeleno ng pamahalaang Pamintuan.

Ang participatory democracy and governance ay buhay na buhay sa Angeles City. Patuloy po ang ating mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang na ang mga tsuper, mga manininda sa palengke, mga kababaihan, mga may kapansanan, kabataan, ang lumalaking komunidad ng LGBT, mga kooperatiba…

Mula sa aktibong pakiki-alam ay umuusbong ang masigasig na pakikilahok sa mga usapin at pakikibahagi sa mga gawaing pampamayanan. Ang pinakamaliit na tinig ay singbigat ng pinakamalakas, binibigyan ng kaukulang pagpapahalaga. Ito ang diwa ng pagkakapantay-pantay sa demokratikong lipunan na umiiral sa pamahalaang Pamintuan.

What we have now is a new breed of leaders: progressive, modern in outlook, creative and unafraid to listen and consider the ideas of ordinary people.

Hindi lamang ang mga namumuno (leaders) at pinamumunuan (followers) ang bumubuo sa tinatawag na leadership dynamics. Pangatlong sangkap dito ang mithiin (goal).

Ani nga ng ginawaran ng Pulitzer Prize na si Garry Wills sa kanyang aklat na Certain Trumpets: “The goal is not something added to leader and followers.
The goal is the reason for the other two’s existence. It is the equalizer between leader and followers. The followers do not submit to the person of the leader.
They join him in the pursuit of the goal.”
Dagdag pa nito: “…the leader is one who mobilizes others toward a goal shared by leader and followers…all three elements (leader, followers and goal) are indispensable.” (Ipagpatawad po ninyo na hindi ko naisalin sa wikang Pilipino ang sinipi ko sa aklat.)

Hindi ko alam kung nabasa ni EdPam ang obrang ito ni Wills. Subali’t ito ay sumasalamin sa kanyang pamamahala sa lungsod – pinag-isang mithiin ng kalinisan sa panunungkulan at paglilingkod-bayan – na kung tutuusin ay siya mismong tinutumbok ng punonglungsod sa sumusunod na talata sa kanyang SOCA:

This is a testimony to our efficiency in generating and collecting revenues and taxes and our efforts at eradicating under-the-table transactions in the payment of fees and taxes.

Ang kaayusan at katahimikan ng lungsod ay hindi kailanman dapat na malagay sa alanganin. Isa rin itong sukatan sa tapang, katatagan, sa mismong katauhan ng namumuno.

Kung naging mapusok at mapaghamon ang mga kriminal, sinasabi ko po ay ito: Sisiguraduhin kong wala kayong pagkakataong magsisi.

Mabait si Mayor Pamintuan, ngunit ang katulad ninyo ay walang puwang sa ating siyudad. Dalawa lang ang kalalagyan ninyo: Ang kalaboso o sementeryo.

Totoong buhay ito, hindi ito pelikula at hindi ako artista.

At pinatotohanan na nga ito kamakailan lamang nang bumungad sa atin ang punonglungsod, tiim-bagang na nakatayo di kalayuan sa dalawang kilabot na masasamang loob na nakatimbuwang sa lansangan.

EDuterte! Masiyang sigaw ng marami.

Totoong buhay ito, hindi ito pelikula at hindi ako artista.

Diretsahan, hindi matalinghaga, ang susunod na pagpili ng namumuno sa Lungsod ng Angeles ay hindi na pag-iisipan pa. EDi, siya na nga. (Punto, ika-8 ng Agosto 2014)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here