Sipi ng Green Covenant naisumite na sa UN

    233
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Kinumpirma ni Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na naisumite na sa United Nations ang sipi ng kauna-unahang Green Covenant na nilagdaan sa makasaysayang simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15.

    Kaugnay nito, sinabi ni Nong Rangasa, tagapangulo ng Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD), na isusunod naman nilang ihanda ngayon ng kauna-unahang Green Constitution ng bansa na ilulunsad sa susunod na taon.

    Sa panayam kay Natividad, sinabi niya na isinumite na ni Illac Angelo Diaz ang sipi ng Green Covenant sa UN noong Setyembre 23.

    Si Diaz ay ang patnugot na tagapagpaganap ng My Shelter Foundation na nakasama ni Rangasa at Natividad sa paghahanda ng Green Covenant.

    Ang Green Covenant ay naglalayon na magsilbing gabay para sa mga lokal na pamahalaan laban sa epekto ng climate change.

    Inilahad din Natividad isusunod nila na mabuo ang kauna-unahang Green Constitution ng bansa.

    Kinumpirma ito ni Rangasa at sinabing nakaplano itong ilunsad sa Enero ng susunod na taon kaugnay ng pagdiriwang ng ika-114 na guning taon ng pagpapatibay ng Malolos Constitution.

    Sa panayam kay Rangasa sa telepono noong Setyembre 22, sinabi niya na titipunin nila ang lahat ng mga batas pangkalikasan sa bansa upang mabuo ang Green Constitution.

    “Medyo mahirap ito pero pipilitin naming mabuo before January,” ani Rangasa.

    Iginiit niya na mahalaga na mabuo ang Green Constitution upang mabatid ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.

    Inayunan din ito ni Mayor Donato Marcos ng Paombong.

    Si Marcos ay ang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Pilipinas.

    Sinabi pa ni Marcos na ang mga pamahalaang lokal ang dapat manguna sa paglaban sa epekto ng climate change.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here