Simbahan, mga paaralan, nagsama laban sa RH Bill

    253
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Kaagapay na ng simbahan ang mga paaralang Katoliko sa lalawigan sa kampanya laban sa kontrobersyal na Reproductive Health Bill (RH Bill).

    Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga talakayan, pamamahagi ng mga babasahing polyeto at paglaladlad ng mga poster.

    Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal ng Diyosesis ng Malolos na habang nakikipaglaban ang Simbahan sa RH Bill, nananatili namang malambot ang puso nito sa mga tao.

    Binigyang diin din ng opisyal ang posisyon ng simbahan hinggil sa pagpaplano ng pamilya na hindi nagbabago mula noon hanggang ngayon dahil hindi naman nagbabago ang sistema at kalagayan sa bansa sa nagdaang 30 taon.

    Ayon kina Father Jay Lina at Father Prospero Tenorio ang lahat ng kasapi ng Malolos Diocese Catholic Schools Association (Madicsa) ay aktibo sa kampanya laban sa RH Bill.

    Kabilang sa kampanya ay ang pagsasagawa ng mga talakayan o forum, seminar, paglaladlad ng mga poster sa harap ng mga paaralan, pamamahagi ng mga babasahin hinggil sa RH Bill.

    Bukod dito, patuloy din ang mga paaralang kasapi ng Madicsa sa pagtuturo ng relihiyon at mabuting pag-uugali (values education) na bahagi ng kanilang mga kurikulum.

    Ilan sa mga pangunahing kasaping paaralan ng Madicsa sa lalawigan ay ang St. Anne’s Catholic School sa Hagonoy, St. Mary’s Academy at St. Paul Academy, na kapwa may mga sangay sa ibang bayan sa lalawigan, ang Immaculate Conception School for Boys, Holy Spirit Academy sa Malolos at marami pang iba.

    “Madicsa’s campaign was aimed at young people in order to reinforce the good values taught by the church,” ani Fr. Tenorio, ang kura ng Parokya ni San Antonio de Padua sa Barangay Iba O’este sa bayan ng Hagonoy.

    Sinabi niya na ang simbahan at mga kaalyadong institution ay mananatili sa paninindigan nito kampanya upang higit na mapatatag ang mabuting kaugalian ng taumbayan.

    Sinabi naman ni Fr. Lina na maraming butas ang nasabing panukalang batas na isinusulong sa Kongreso.
    “The Diocese and the Church is opposing it because it tells us that it’s okey to be pregnant without getting married,” aniya at itinanong, “paano kung yung anak mong dalaga ang mabuntis, okey lang ba yun sa inyo?”
    Ayon kay Fr. Lina, ang RH Bill ay posibleng higit na magpahina sa moralidad ng taumbayan, ngunit iginiit niya na hindi itataboy ng simbahan ang sinumang nagkasala dahil iyon ang itinuturo nito at ipinakita ni dating Papa Juan Pablo II ng patawarin niya ang nagtangkang pumatay sa kanya na si Memhet Ali Agca.

    Hinggil sa posisyon ng simbahan sa pagpaplano ng pamilya o birth control, sinabi ni Lina na hindi na iyon bago.

    “It’s been there for decades because not much has changed in the country,” aniya at sinabing hindi nagbabago ang posisyon ng simbahan.

    Ipinakita pa niya sa Punto ang mga sipi ng mga pahayagan ng naglathala ng mga mensahe ni Papa Juan Pablo II sa kayang unang pagbisita sa Pilipinas noong 1981.

    “Unite, John Paul urges,” ani ng Daily Express na ngayon ay sarado na.

    Ipinagsigawan naman sa pambungad na pahina ng noo’y Times Journal ang ulo ng balita na “Keep off politics.”
    Mula pa rin sa Times Journal, “Shun violence, Pope tells youths,” samantalang naghuhumiyaw ang pangunahing balita ng Times Journal sa pambungad na pahina na nagsasabing, “Pope hits birth control.”

    Bukod sa mga nasabing mensahe, inilathala din ng Evening Post ang “Pope pays tribute to lowly farmers;” samantalang sa Sunday Express ay “Rich told to help the poor;” at sa dating Bulletin Today  ay “Pope appeals for Asia’s jobless.”

    Ayon kay Fr. Lina, hindi pa rin kumukupas ang mga usaping tinalakay ni Papa Juan Pablo II sa unang pagbisita nito sa Pilipinas noong 1981.

    “We have the same issues today as in yesterday, why?” ani Fr. Lina at siya na rin ang sumagot ng kanyang katanungan ng kanyang sabihin na walang pagbabago sa sitwasyon dahil hindi nagbabago ang sistema ng bansa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here