Kung totoo itong matinding hinaing
Ng ilang ‘workers’ sa tunawan ng ‘steel’
Diyan sa San Simon, tama lang marahil,
Na ya’y mabigyan ng karampatang pansin
At maidulog sa kinauukulan
Upang maresolba sa tamang paraan
Para sa ‘employer’ at ‘workers’ din naman
Ang problemang dapat bigyang kalutasan.
Gaya kung ito ay ‘unfair labor practice’
Na namamagitan ‘between the employees
And the smelting plant concern authorities,
(Na dapat patas sa magkabilang panig)
Ang kinakailangang ipairal nitong
Local officials at ng Bureau of Labor;
At di tinitingnan sa kung sino itong
Posibleng kasangga riyan nitong Wan Chiong
Na isang dayuhang kumpanyang nag-‘put up’
Sa San Simon town ng ‘steel smelting plant,’
Na diumano’y pawa yatang ‘under contract’
O mga ‘contractual’ lang ang bagong tanggap
Na manggagawa r’yan, kung kaya nga’t pati
Dating trabahador nilang permanente
Ay paisa-isang pinagdidimite,
Kundi man ‘dismissal’ hangga’t maaari.
Para makamenos sa dapat ibigay
Na ‘termination pay’ sa mga regular
Kaya’t hahanapan nila ng butas yan
Para masipa ng walang babayaran?
Kung saan kabilang ang isang Roderick
Na basta na lamang yata pinatalsik;
At iba pang di na muling pinabalik,
Kahit ‘qualified in their respective duties’
Na di nakakuha kahit singkong duling
‘As termination pay’ nang sila’y sipain;
Kaya tunay naman ding maituturing
Na pang-aabuso kung paka-isipin
Ang pinag-gagawa ng kumpanyang ito
Sa kalagayan ng kawawang empleado,
Na dapat tratuhin sa paraang wasto
At naa-ayon sa batas ng gobyerno.
Pagkat karapatan lamang ng kawawang
Empleado ang habol nila sa kumpanyang
Nangargabyado nang sila’y basta na lang
Tinanggal ng walang sapat na dahilan.
Liban sa posibleng dahilan marahil
Sa puntong sila ay naging permanenteng
Kawaning kailangang bayaran sakaling
Ya’y magretiro na sa takdang tungkulin.
Sapagkat kung sila’y pawang ‘casual’ nga lang
O ang tinatawag na uring ‘contractual,’
Sila’y magtrabaho man ng habambuhay
Para sa sinumang pinaglilingkuran
Ay tunay naman ding walang mapapala
Dahilan na rin sa bilang ‘contractual’ nga,
Yan ni kaunting barya ay tiyakang wala
Silang matatanggap bilang gantimpala.
Pagkat ‘pro-employer’ itong ‘contractual’ na
Isinulong pabor sa kapitalista
Nitong kung sinuman, na ang kinitil niya
Ay ang ‘security of tenure’ kumbaga;
Na iniiwasan nitong ibang tusong
Mga employer na kagaya ng Wan Chiong,
Kung kaya nga’t pati ubod man ng dunong
‘Probationary’ rin sa habang panahon?!