Rehab ng open dumpsite sa likod ng ospital sinimulan na

    260
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Sinimulan na ng kapitolyo ang paglilinis at rehabilitasyon sa open dumpsite sa likod ng gusali ng Bulacan Medical Center (BMC) na mahigit dalawang taon ng inirereklamo ng mga mag-aaral ng katabing Bulacan State University (BulSU).

    Ayon kay Provincial Administrator Jim Valerio, ang nakatambak na basura sa likod ng gusali ng BMC ay ipahahakot ng kapitolyo at ilalagak sa tamang pasilidad.

    Dalawa ang pasilidad na kinukunsidera ng kapitolyo. Ito ay ang Waste Custodian Management (Wacuman) sanitary land fill sa Sitio Tiakad, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan; at ang sanitary landfill sa loob ng lupaing nasasakupan ng Clark Freeport na matatagpuan sa Barangay Kalangitan, Capas Tarlac.

    “Hindi maaaring manatili ang ganitong pagtatapon ng basura, baka sa halip na luminis ang ating kapaligiran ay makasira at maka-apekto pa sa kalusugan ng tao,” ani Valerio at iginiit na kalinisan at sanitasyon ay responsibilidad ng bawat isa.

    Sinabi rin niya na matagal ng napabayaan ang nasabing basurahan kaya’t kailangan ang maingat na rehabilitasyon.

    Inayunan naman ito ng ng mga mag-aaral at guro ng BulSU partikular na ang mga may klase sa gusali ng College of Social Science and Philosopy (CSSP) na matatagpuan sa tabi ng basurahan.

    Ayon sa mga mag-aaral, mula pa noong sila ay nasa unang taon (first year) ng pag-aaral ay problema na nila ang nasabing basurahan.  Ngayon ay nasa ikatlong taon (third year) na sila ng pag-aaral sa BulSU.

    “Kung hindi mausok, mabahong-mabaho ang amoy,” ani ng mga mag-aaral.

    Hindi lingid sa mga guro at opisyal ng BulSU ang problemang ito, at ito ay napatunayan ng Punto batay sa mga dokumento o liham na kanilang ipinahatid sa kapitolyo at pamunuan ng BMC, bukod pa sa panayam sa kanila.

    “Ayon kay Dr. Mariano De Jesus, mahigit dalawang taon na nilang inirereklamo ang nasabing basurahan.

    Batay naman sa pahayag ni Dr. Protacio Bajao, ang hepe ng BMC, ang nasabing basurahan ay isang “temporary holding area.”

    Sinabi pa ni Bajao na tumanggi ang dating pamunuan ng lungsod ng Malolos na kolektahin ang basura sa kapitolyo kaya’t iyon naipon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here