PARA SA IKA-112 MALOLOS CONGRESS
    Pasyal Kasaysayan inilunsad

    362
    0
    SHARE
    MALOLOS, Bulacan – Dalawang Linggo bago ang eksaktong araw ng selebrasyon ng ika-112 taon ng kauna-unahang Republika sa Asya ay nagsagawa na ang pamahalaang lokal ng pagdiriwang sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

    Ang pagdiriwang ay pinangunahan ng pamahalaang panglungsod ng Malolos kasama ang Samahang Pang-Kasaysayan o SAMPAKA at kanilang nilunsad ang programang Pasyal Kasaysayan.

    Ang unang araw ng Pasyal Kasaysayan sa Barasoain Church ay dinagsa ng mga turista na karamihan ay mga estudyante.

    Layunin ng pagdiriwang ang pagpapahalaga at pagbuhay sa napakalaking ambag ng bayan ng Malolos sa kasaysayan ng bansa lalo na ang Barasoain Church kung saan dito unang itinayo ang kongreso ng Pilipinas bilang isang demokrasyang bansa.

    Tampok sa nasabing pagdiriwang ang exhibit sa museo ng simbahan ng Barasoain tulad ng mga bagay na may kinalaman sa ating kasaysayan tulad ng mga bibliya, mga libro at ilang bagay na ginamit ng mga pari na nagsilbi sa simbahan at ilang imahe ng mga santo.

    Kabilang din sa exhibit ang mga lathala at larawan ng mga pangyayaring naganap sa ating kasaysayan bago pa natin nakamit ang pagkasarinlan at kalayaan sa ating sariling bansa.

    Ang Pasyal Kasaysayan ay ginawa mula sa Barasoain church at sa iba pang makasaysayang lugar sa Malolos tulad ng Casa Real Shrine at Cathedral ng Malolos.

    Kasama rin sa mga pinasyalan ang mga century old houses na may kinalaman sa kasaysayan ng ating bansa.

    Ayon kay Malolos Mayor Christian Natividad, hangad nilang buhayin sa kabataan ang malaking naitulong ng bayan ng Malolos sa ating kasaysayan.

    Dagdag pa ng alkalde, marami na kasi ang nakakalimot sa nagawang kontribusyon ng Malolos sa kasaysayan ng bansa kayat nais nilang pasiglahin ito ngayong ika-112 taon ng pagdiriwang.

    Ayon naman kay Gani Giron, founding president ng SAMPAKA, mahalaga na alam ng sambayanang Pilipino lalo na ang mga taga Malolos ang kahalagahan sa mga pangyayari sa simbahan ng Barasoain dahil dito itinayo ang kauna-unahang Republika at Kongreso ng Pilipinas.

    Dapat aniyang ipagmalaki na ang Malolos ang kauna-unahang capital ng bansa at dito rin sa mga century old houses namalagi ang mga gabinete ni Emilio Aguinaldo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here