CLARK FREEPORT —-Hindi na inabisuhan ng Saudi government ang Pilipinas sa pagpupugot ng ulo kay Carletto Lara, convicted sa pagpatay kay Saudi national Nasser Al-Gahtani noong 2010.
Ayon kay Vice President Jejomar Binay, hindi naman daw siya nabigla sa parusang ito dahil di gaya ng ibang bansa, hindi naman nagbibigay ng abiso ang Saudi kung kailan ipapataw ang pagpupugot ng ulo sa isang nasa death row.
Ayon pa kay Binay, ang isang binitay sa Saudi Arabia ay hindi na naiuuwi ang bangkay saPilipinas kayat doon na ililibing si Lara. Nakahanda naman aniya na tumulong ang gobyerno sa pamilya ng OFW na pinugutan ng ulo.
Ayon kay Binay, sa ngayon ay bineberipika na ng kaniyang tanggapan kung documented OFW si Lara nang sa gayon at makakuha din ng tulong mula sa OWWA.
Ngunit bukod doon ay magbibigay pa rin daw ng tulong pinansyal ang gobyerno para sa ga naulila ni Lara dito sa Pilipinas. Maging si Binay ay personal din daw na magbibigay ng tulong sa mga naulila ngunit tumanggi na siyang idetalye ito. Ayon kay Binay, sa pagkakaalam niya ay taong 2010 pa ng masangkot sa krimen si Lara sa Saudi at malagay ito sa death row.